ANO BAGA?
(Tula para sa World No Tobacco Day tuwing Mayo 31)
nosi ba lasi para magyosi't bugahan tayo
ng usok gayong di naman tayo nananabako
sa dyip, naaamoy mo ang yosi ng katabi mo
aba'y pasensya na't natapatan ka ng tambutso!
yosi ng yosi, hitit ng hitit, buga ng buga
nakakaalarma, kalusugan mo'y paano na?
di ka nga humihitit, nalalanghap mo'y sa iba
walang bisyo ngunit second-hand smoker ka pala
paano mo ba pagsasabihan ang mga sutil?
pananabako nila'y paano ba matitigil?
polusyon sa katawan mo'y sino kayang pipigil?
paano iiwas na unti-unti kang makitil?
ngayong World No Tobacco Day, ating alalahanin
huwag pabayaan ang baga't kalusugan natin!
- gregbituinjr.,05/31/2019
Biyernes, Mayo 31, 2019
Huwebes, Mayo 30, 2019
Walang matuluyan, mawalang tuluyan
WALANG MATULUYAN, MAWALANG TULUYAN
(tula sa International Week of the Disappeared)
mas mabuti pang ako'y walang matuluyan
kaysa naman tulad ko'y mawalang tuluyan
kung walang matuluyan, mag-ingat sa daan
mahirap nang mawala't madukot ng halang
Daigdigang Linggo ng Desaparesido
ay ating gunitain ngayong linggong ito
nawa mahal nila'y matagpuang totoo
at kanilang kamtin ang hustisya sa mundo
sa huling linggo ng Mayo ginugunita
itong linggo ng sapilitang pagkawala
paghanap sa kanila'y walang patumangga
ang sakit na nadarama'y tila ba sumpa
nawa'y matapos na ang pasakit at dusa
pagkat mahal sa buhay ay natagpuan na
- gregbituinjr./05/30/2019
Sabado, Mayo 18, 2019
Soneto sa kaarawan ng dalawang magigiting na lider ng masa
SONETO SA KAARAWAN NG DALAWANG MAGIGITING NA LIDER NG MASA
Maligayang kaarawan sa dalawang magaling
Na lider ng pakikibaka't sadyang magigiting
Humaba pa ang buhay nila'y tangi naming hiling
Maging malakas pa sila lalo't masa'y kapiling
Lider nating Pedring Fadrigon at Tita Flor Santos
Sa maraming isyu ng masa'y talagang kumilos
Ibinigay ang panahon at nakibakang lubos
Upang maralita'y di na basta binubusabos.
Sa inyo, Tita Flor Santos at Ka Pedring Fadrigon
Kasama ng masa sa pagharap sa mga hamon
Sa marami sa amin, tunay kayong inspirasyon
Talagang kasama sa pagbabago't rebolusyon
Nawa'y magpatuloy sa adhikaing nasimulan
At muli, pagbati ng maligayang kaarawan!
- gregbituinjr.,05/18/2019
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)
Kayrami palang search engine
KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming search engine lalo't mananaliksik kan...
-
PANANGHALIAN huwag magpakagutom, ang bilin ni misis kaya heto, may pritong tilapya, kamatis at sibuyas, kaysa sa gutom ay magtiis aba'y ...
-
TAHONG kaysarap naman ng kanyang tahong na niluto, napakalinamnam tagos sa puso, wala nang tanong kung paano nilutong kay-inam tiyak ako...
-
ANG NAKAAKBAY uy, aba, kay Greg, may umakbay na sabi noon ng isang kasama wala raw syota, akala nila subalit may umaakbay pala oo, may umakb...


