Martes, Abril 7, 2020

Pasasalamat sa Bulig Pilipinas

Pasasalamat sa Bulig Pilipinas

Bulig Pilipinas, kayo'y sadyang kahanga-hanga
Umpisa pa lang, tumulong agad sa walang-wala
Laging handang umalalay sa mga api't dukha
Inisip agad ang kapakanan ng abang madla.

Ginawa'y naghanda ng pagkain, at nagpakain
Pinuntahan ang mga dukhang nabahaginan din
Ito'y panahong lockdown o community quarantine
Lubusan po kayong pinasasalamatan namin.

Inisip ang kapakanan ng kapwang nagugutom
Pagpapakatao, pag-ibig, prinsipyo, pagbangon
Ito'y sakripisyo, kawanggawa, dakilang layon
Na imbes sa bahay lang kayo, ginawa ang misyon!

Ang inyong halimbawa'y dapat purihing totoo
Salamat po, Bulig Pilipinas! Mabuhay kayo!

- gregbituinjr.
04.07.2020 (World Health Day)

Tula sa World Health Day

Tula sa World Health Day

Walang sinumang lalabas kapag naka-quarantine
Oo, ito'y sabi ng gobyerno't dapat daw sundin
Rinig mo ang sabi, pag lumabag ka'y papatayin!
Lagot ka! Mahirap na't baka paglamayan ka rin!

Dapat tutukan nila'y ang sakit, di ang pasaway
Hanap lang nitong dukha'y pagkain, gutom ngang tunay
E, bakit lalabas pa? Nais ba nilang mapatay?
Aba'y magugutom ang pamilya't di mapalagay!

Lagi dapat igalang ang karapatang pantao
Tulad din ng karapatan ng dalita't obrero
Hintayin lang nating matapos ang lockdown na ito
Dahil masa'y maniningil sa palpak na serbisyo

At sa World Health Day, alalahanin ang kalusugan
Yugto itong di dapat balewalain ninuman

- gregbituinjr.
04.07.2020

Sa World Health Day: FREE MASS TESTING NOW!

Sa World Health Day: FREE MASS TESTING NOW!

World Health Day, pandaigdigang araw ng kalusugan
Oo, araw upang suriin ang pangangatawan
Ramdam mo ba kung sumasakit ang iyong kalamnan
Lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan.

Dinggin natin at alamin ang nangyayari't ulat
Habang may kwarantina'y anong isinisiwalat
Eksperto'y anong sabi nang di mahawa ang lahat
Ano pang gagawin upang sakit ay di kumalat.

Lockdown o community quarantine pansamantala
Tayo'y manatili sa bahay, ayon sa kanila
Habang masa'y nagugutom, naghahanap ng pera
Dahil puno ng pangambang magutom ang pamilya.

At ngayong World Health Day, sabay-sabay nating isigaw:
Yamang ang araw na ito'y atin: FREE MASS TESTING NOW!

- gregbituinjr.
04.07.2020

Soneto sa World Health Day

Soneto sa World Health Day

World Health Day, pandaigdigang araw ng kalusugan
Organisadong araw para sa pangangatawan
Ramdam mo ba kung may sakit kang dapat malunasan
Lockdown pa't baka walang masakyan pag kailangan

Damhin mo ang kalamnan, pulso, ulo, dibdib, panga
Haplusin ang kutis, puso't katawan ba'y okey pa?
Espesyalista ba'y nahan, kilala mo ba sila?
At pag kailangan na, sila'y matatawagan ba?

Laging kalusugan mo't ng pamilya'y isipin din
Tingnan ang katawan, sila ba'y namamayat na rin
Habang malakas pa, kalusuga'y asikasuhin
Dahil mahirap magkasakit, maging alagain

Ating kalusugan ay lagi nating alagaan
Yamang ito'y kayamanang di dapat pabayaan

- gregbituinjr.
04.07.2020

Biyernes, Abril 3, 2020

Soneto sa Haring Praning

O, HARING PRANING

O, Haring Praning, nakadroga ka na naman po ba?
Hirap ka na ba't nais mo pang patayin ang masa?
Ang magrali dahil sa gutom ba'y kasalanan na?
Rinig mo ba, Haring Praning, ang mga daing nila?

Ikaw ang nagsabing ang sarili'y i-kwarantina
Na gobyerno'y bahala sa pagkain at pag-asa
Gayong nauubos din ang pagkain at pasensya
Pagkat nagugutom na'y lumabas na ng kalsada

Ramdam mo rin ba ang gutom na dinaranas nila?
Ah, marahil hindi, kaya ganyan ka kung umasta
Nakaupo ka sa trono habang gutom ang masa
Ikaw ay bundat, sa gutom magkakasakit sila!

Ngayong nagpahayag lang sila'y papatayin mo na?
Galing mo, praning ka nga, sa trono'y bumaba ka na!

- gregbituinjr.

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...