Biyernes, Enero 29, 2021

Ang panawagan ng ZOTO

Ang panawagan ng ZOTO

napakalalim subalit prinsipyado ang pakay
na ipaglaban ang karapatan, tayo'y magsikhay
tungo sa makatao at abot-kayang pabahay
panawagan ng ZOTO na mula sa puso'y tunay

nagtipon-tipon sila roong pinag-uusapan
ang mga hakbangin upang asam nila'y makamtan
kolektibong pagkilos, kolektibong talakayan
upang ito'y ipaglaban at mapagtagumpayan

mabuhay ang ZOTO - Zone One Tondo Organization
sa inaadhika nila't dakilang nilalayon
hindi lang iyan islogan kundi prinsipyo't misyon
na isasabuhay nati't tutuparin paglaon

pagpupugay sa lahat ng mga nakikibaka
upang kamtin ang pangarap na pabahay sa masa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa dinaluhang asembliya sa Bantayog ng mga Bayani, 12.07.2020

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, pahina 20.

Huwebes, Enero 28, 2021

Soneto sa kalendaryo

walang anumang ginagamit akong kalendaryo
kundi tanging kalendaryong mayroon sa selpon ko
walang kalendaryong nakasabit sa dingding dito
walang natanggap at di rin ako bumili nito

kaya sa dilaw na papel ay isinulat na lang
ang petsa sa kalendaryo sakaling kailangan
kinabit sa dingding, petsa'y agad nang matitingnan
halimbawa'y nasa pulong o nagpaplano pa lang

anong araw tumama ang katorse ng Pebrero?
Lunes ba? Martes ba? Huwebes? Sabado? o Linggo?
kalendaryo'y ginawa lang, may gamit kasi rito
may papel, pentel pen, ayos, diskartehan lang ito

makakatulong ito sa iba, di man maganda
mahalaga'y may impormasyon sa araw at petsa

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Enero 27, 2021

Sa pasilyo

SA PASILYO

naroroon sa pasilyo ang mga agam-agam
na di madalumat sa pagdatal ng siyam-siyam
lumbay ang kaakibat na animo'y di maparam
subalit nag-iisa man ay walang dinaramdam

dumadalaw ang mutya sa pagsapit ng kadimlan
musa ng panitik na nasa aking panagimpan
kaulayaw ko't tinitipa ang napag-usapan
ngunit siya'y nawawala na kinaumagahan

sa umaga'y lalampasuhin ang pasilyong iyon
na kahit sa pag-iisa'y masayang naroroon
habang nasa isip paano gampanan ang misyon
upang kamtin ng bayan ang dakilang nilalayon

ang pasilyo man ay pugad ng mga agam-agam
pag musa'y dumatal, lumbay ay agad napaparam

- gregoriovbituinjr.

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...