Linggo, Pebrero 28, 2021

Minsan, sa palengke

Minsan, sa palengke

sa mga tinda mo ba'y pwede ba akong tumawad
kahit wala akong kasalanan, ang aking bungad
bibilhin lang ay kaunti, ito ang aking bayad
muli, tanong ko'y maaari ba akong tumawad

tugon niya: "Piso na nga lang ang tutubuin ko
hihingi ka pa ng tawad, anong kasalanan mo?
bilhin mo lang anong gusto mo nang batay sa presyo
at di na ako gaanong lugi, mura na ito."

kinuha ko'y kamatis, bawang, sibuyas at sili 
kumuha ng okra, talbos ng kangkong at kamote
at binayaran ko nang buo ang aking binili
walang tawad, isang karanasan ko sa palengke

natawa sa sarili, ako pala'y patawa rin
yaong nagtitinda'y di man lang ako patawarin

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Pebrero 27, 2021

Soneto sa manggagawa

Soneto sa manggagawa

kahit delikado ang trabaho ng manggagawa
na paminsan-minsan sila'y ating tinitingala
dahil nasa taas ng pader o sa tuktok kaya
ng gusali, trabaho'y gagawin kahit malula

sapagkat manggagawa, tagaugit ng lipunan
pangunahing nag-aambag sa ekonomya't bayan
silang manggagawa'y tagatimon ng kasaysayan
ngunit tinuturing na mga aliping sahuran

upang makabalik kinabukasan sa trabaho
living wage sa batas, minimum wage ang sinusweldo
ganyan tinatrato ang mga bayaning obrero
dito sa ilalim ng sistemang kapitalismo

uring manggagawa, magkaisa upang lumaya
sa lipunang itong kayo rin mismo ang lumikha

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Soneto sa dukha

Soneto sa dukha

kami man ay dukha
o nagdaralita
di pakakawawa
sa tuso't kuhila

kahit mahirap man
may paninindigan
makikipaglaban
ng may karangalan

kami'y di susuko
sa burgesyang lilo
dugo ma'y kumulo
kami'y di yuyuko

kung dukha man kami
sa bayan may silbi

- gregoriovbituinjr.

- nag-selfie sa People Power monument, 02.25.21

Pasubali

Pasubali

huwag kang basta sumunod sa mga matatanda
akala'y nakakatulong sila't ngawa ng ngawa

kaya ka pinag-aral dahil may sariling isip
na matanto ang mga bagay-bagay sa paligid

ngunit matuto ka sa karanasan nila't kwento
baka may makatas kang magagamit sa buhay mo

magkakaiba ang kalagayan noon at ngayon
tulad sa larong chess, aralin mo rin ang sitwasyon

di pwedeng pulos Ruy Lopez ang opening mong batid
pag nag-Sicilian o Pirc defense na siya'y tagilid

isipin mo ang dapat gawin sa kasalukuyan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

alamin mo na rin ang samutsaring pasubali
buhay na ito'y tadtad ng pagbabakasakali

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad sa Taft Ave., malapit sa P. Faura St.

Biyernes, Pebrero 26, 2021

Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

Dinggin ang sigaw ng mga manggagawa

"Laganap na tanggalan sa trabaho, ipagbawal!"
at "Likhain ang industriyang akma sa new normal!"
dalawang panawagang ano't tila magkakambal
mensaheng sa kapitalista'y baka makagimbal

subalit iyan ang wastong panawagan, ang tama
sa panahon ang pandemya sa masa'y kumawawa
upang maiwasan ang sigwang nagdulot ng luha
habang panlipunang hustisya ang inaadhika

ito ang tugon nila sa kongkretong pagsusuri
sa sitwasyong ang kapitalismo'y kamuhi-muhi
makatarungang panawagan, prinsipyadong mithi
na dapat mapagtagumpayan, dapat ipagwagi

halina't makiisa sa hiling ng manggagawa
at samahan natin sila sa nagbabadyang sigwa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ang makatao nilang prinsipyo

Ang makatao nilang prinsipyo

nilabanan na nila ang anumang demolisyon
hanggang matanggap nila'y walang taong relokasyon
di makatao ang demolisyong naganap noon
at dinudugo sila sa mga bayarin ngayon

sa malayong sukal ay tila dagang pinerwisyo
kaya nabuo ang makatao nilang prinsipyo:
pabahay ay karapatan, pabahay ay serbisyo
huwag itong pagtubuan, huwag gawing negosyo

pilit nilang nilabanan ang pagsasamantala
ng mga burgis na elitista't kapitalista
na ang tingin sa maralita'y masakit sa mata
ng negosyo kaya tinataboy, etsa-puwera

panawagan nila sa plakard ay ating pakinggan
dahil may bahid ng dugo ng pakikipaglaban

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Miyerkules, Pebrero 24, 2021

Huwag mahihiyang magtanong

Huwag mahihiyang magtanong

ayon nga sa RiteMed, "Huwag mahihiyang magtanong"
kahit sa pandemya, ito'y kanilang sinusulong
payo ring mag-social distancing saanman sumuong
kung katabi'y di ito alam, atin nang ibulong

"social distancing saves lives", payo sa atin ng RiteMed
simpleng bilin upang buhay nati'y di tumagilid
at kung nauunawa mo, sa kapwa'y ipabatid
upang di bara-bara, baka sa kanila'y lingid

di na lamang sa karatulang kapantay ng mata
ang tagubiling ito upang mabasa ng masa
ipininta sa sahig, kakaibang karatula
tila isang biyaya ang kanilang paalala

kung di mo alam kung bakit nagso-social distancing
huwag mahiyang magtanong, ikaw ay sasagutin

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Para lahat, ligtas

PARA LAHAT, LIGTAS

nakapinta sa daang baka iyo ring nilandas
ang bilin kung sa trabaho'y papasok o lalabas
kung sa palengke patungo upang bilhin ay prutas
o kung pupunta sa botika para sa panlunas

payo upang mapalayo ang anak sa disgrasya
at tirintas ng pag-ibig para sa sinisinta
payo upang di magkahawaan sa opisina
pagbabakasakali upang malayo sa dusa

layong isang metro lagi para lahat ay ligtas
simpleng bilin sa bayan pagkat buhay ang katumbas
unawain natin ng ganap at maging parehas
upang di magkasakit, may problemang malulutas

naliligalig tayo't may pandemyang sinusumpong
iligtas ang kapwa't iba ang ating sinusuong

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Martes, Pebrero 23, 2021

Pangwawasak ng kapitalismo sa kalikasan

Pangwawasak ng kapitalismo sa kalikasan

natanto mo bang sa ilalim ng kapitalismo
puno'y walang anumang halaga sa ating mundo
maliban na lang kung tuluyang puputulin ito
upang pagtubuan lalo't nilagyan na ng presyo

saka mo lang mauunawa kung anong dahilan
ng pagkasira nitong daigdig nating tahanan
at ng unti-unting pagkawasak ng kalikasan
at pagkabalahura ng ating kapaligiran

walang pakialam ang kapitalista sa atin
maliban lang kung sa iyo siya'y may kikitain
kahit na ang kalikasan ay kanyang wawasakin
kumita lang ng limpak at malaking tutubuin

kapitalismo'y dahilan ng ating pagkawasak
sistemang ito'y palitan na't tuluyang ibagsak

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Lunes, Pebrero 22, 2021

Magtanim ng mabuti

Magtanim ng mabuti

sa kapwa'y itinatanim natin ang kabutihan
upang walang kaguluhan kundi kapayapaan
sa puso'y tinatanim ang bugtong na karangalan
upang masawata rin ang anumang kahangalan

nasa ugat naroroon ang bisa ng pagsinta
sa ating kapwa't sa bayan, maging sino man sila
sa mabuting puso't matinong diwa'y nagkakasya
upang tiyaking lumago ng maganda't magbunga

susumbatan mo ba ang tulad ko pag di ginawa
ang tungkuling itinalaga sa akin ng madla
sa Kartilya ng Katipunan, nasasaad sadya
sabi, sa taong may hiya, salita'y panunumpa

kaya itanim natin yaong binhing mabubuti
upang mamunga ng mabuti't sa bayan may silbi

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Maging ligtas

Maging ligtas

munting abiso sa apakan saanman mapunta
upang matiyak ang kaligtasan ng kapwa masa
na dapat nating unawain sa tuwi-tuwina
pagkat nasa panahong kakaiba't may pandemya

maging ligtas di lamang para sa iba, sa iyo
ang isang metrong agwat ay personal mong espasyo
matsing ma'y lumambi-lambitin sa kabilang dulo
pagong na mautak ay ngingisi-ngisi lang dito

nang iniligtas ng langgam ang tipaklong sa baha
kaligtasan sa pandemya'y iyong mauunawa
at nang inihulog ng buwan ang sundang sa lupa
mga traydor na sakit ay dapat iwasang lubha

mga bilin ng kaligtasan ay ipamahagi
upang ang tinatawag mong kapwa'y di mapalungi

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Huwebes, Pebrero 18, 2021

Produkto mula sa upos at istik ng barbekyu

Produkto mula sa upos at istik ng barbekyu

upos ng yosi't istik ng barbekyu'y tinipon ko
bakasakaling makagawa ng bagong produkto
aba'y pampinta sa kambas ang nagawa kong ito
mula sa binasurang upos, may bagong proyekto

nakakadiri sa una, ngunit may dapat gawin
sa nagkalat na upos sa kapaligiran natin
napanaginipan ito minsang gabing mahimbing
at sinimulan ko na agad nang ako'y magising

ano bang pakinabang ko rito, marahil wala
wala, wala, wala, mabuti pa ang tumunganga
subalit ang kalikasan ay labis nang kawawa
pagkat upos ng sigarilyo'y naglipanang sadya

ngayon, nagpasya akong gawin ang nasasaisip
lalo't mula sa bungang-tulog o sa panaginip

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 17, 2021

Soneto sa Hustisyang Panlipunan

Soneto sa Hustisyang Panlipunan

salamat sa mga kasamang nakiisa
at World Day of Social Justice ay naalala
"End the Assault!" ay nasulat sa plakard nila
"Stop the Killings!", pagpatay ay itigil na
"Justice for all victims of E.J.K.!", sabi pa

labis-labis na ang inhustisya sa bansa
pagpaslang na ikinatakot na ng madla
idinamay pa'y mga inosenteng bata
walang proseso, binabaril, parang daga

"Trabaho para sa lahat!" ang panawagan
nitong manggagawa: "Itigil ang tanggalan!"
lalo't pandemya'y dinanas ng mamamayan
dapat umiral ang hustisyang panlipunan
dapat ding isigaw: Hustisya! Katarungan!

- gregoriovbituinjr.

* Tuwing Pebrero 20 ay World Day of Social Justice, idineklara ito ng UN General Assembly noong 2007

Lunes, Pebrero 15, 2021

Mga buto ng okra

Mga buto ng okra

paborito ko na ang okra mula pagkabata
kaya madalas sa almusal ko'y di mawawala
isasapaw sa sinaing, kaysarap namang sadya
nang magkapandemya, okra'y itinanim ko na nga

kayraming nawalan ng trabaho, pandemya'y lagim
pinalayas sa inupahan, nadama'y panimdim
kaya pinag-ukulang pansin ko na ang magtanim
upang may mapitas sa kalagayang takipsilim

buto ng okra'y hiniwalay sa katawan niyon
nang pinatuyo ko'y lumiit, gayon pala iyon
sa mga boteng naipon na dapat itatapon
yaong pinagtamnan ng buto sa buong maghapon

oo, magsasaka sa lungsod ang aking kapara
sa aspaltadong lungsod ako'y nagtanim-tanim na

- gregoriovbituinjr.

#urbanfarming #pagtatanimsalungsod #magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila #pagtatanimsaopisinasapasig

Linggo, Pebrero 14, 2021

Ang karatula ng pag-ibig

Ang karatula ng pag-ibig

nagpa-selfie sa karatula
"All you need is love" ang nabasa
animo'y payo't paalala
sa dalawang naroong sinta

aba, aba, aba, kaysarap
animo'y nasa alapaap
upang tuparin ang pangarap
upang bawat isa'y lumingap

kailangan ay pagmamahal
sa puso sasandig, sasandal
nawa pagsasama'y magtagal
na pag-ibig ang tinatanghal

all you need is love, anong tamis
pagkat puso ang binibigkis

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Pebrero 13, 2021

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

Mababasa sa plakard ang tindig nila't damdamin

nagso-social distancing din ng tag-iisang metro
ang mga nagraraling talagang disiplinado
nananawagang "Kalusugan, Pagkain, Trabaho!
Hindi Panunupil, Pandarambong, Pang-aabuso!"

tulad ng hawak na plakard ng isang maralita
makatarungang panawagan, layon at adhika
kahit may pandemya, mayroon silang ginagawa
sa ngalan ng hustisya para sa bayan at madla

kumukulo ang dugo bagamat tahimik sila
seryoso sa pakikibaka para sa hustisya
makahulugang mensahe kapag iyong nabasa
ang tangan nilang plakard na laban sa inhustisya

maraming salamat sa kanilang mga pagkilos
pagkat bawat hakbang nila sa puso'y tumatagos

- gregoriovbituinjr.

* Kuha ng makatang gala sa pagkilos sa UP Diliman noong Enero 29, 2021.

Biyernes, Pebrero 12, 2021

Ang natatanaw sa malayo

Ang natatanaw sa malayo

mababago nga ba ang mundo
sa lungsod ng mga pangako
at paano kung napapako
tulad ng asal ng hunyango

nagbabago-bago ang himig
ng awit ng saya't ligalig
tila inagawan ng tinig
ang dukhang walang makaibig

sa malayo'y nakita kita
lulugo-lugo't walang kita
parang laging butas ang bulsa
walang barya kahit sa blusa

marahang tanggalin ang hasang
ng hitong binaha sa parang

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Pebrero 10, 2021

Ang mariposa

isang mariposa'y napadikit
tila sa damit nga'y nangunyapit
nangingitlog nga ba itong pilit
at umiiyak na parang paslit

kaysarap masdan ng mariposa
lalo't nakaaaliw sa mata
ang pagpagaspas ng pakpak niya
at kulay na matingkad na pula

kundi man siya napapaindak
buntis kaya siya't manganganak
at sa sinampay nga napasadlak
doon gagawin ang binabalak

mariposa sana'y magtagumpay
sa plano kahit di mapalagay

- gregoriovbituinjr.

Martes, Pebrero 9, 2021

Walang iwanan

Walang iwanan

hindi ako tumatakas at nang-iiwan
upang ang sarili ko'y mailigtas lamang
madakip man ako sa anumang labanan
buti ang gayon kaysa nang-iwan sa laban

sa anumang sitwasyon, dapat maging handa
kahit kaharapin pa'y sangkaterbang tingga
upang ipagtanggol ang manggagawa't dukha
at sa dumaratal na sigwa'y sumalunga

walang iwanan sa laban hanggang mamatay
habang tinataguyod ang lipunang pakay
baybayin man ang matatayog na tagaytay
sisirin ang laot o mabaon sa hukay

walang iwanan ay prinsipyong itinaga,
di sa bato, kundi rito sa puso't diwa

- gregoriovbituinjr.

* Nag-selfie ang makatang gala sa painting ng isang kasamang tibak sa dating tanggapan ng BMP sa QC. 

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...