Miyerkules, Marso 31, 2021

Hila mo, hinto ko sa tamang babaan

HILA MO, HINTO KO SA TAMANG BABAAN

doon lang ako umupo sa loob ng sasakyan
habang samutsari ang tumatakbo sa isipan
nang mabasa ang karatula sa pinagsabitan
nasulat: Hila Mo, Hinto Ko sa Tamang Babaan

payak lamang ang kahilingan ng tsuper na iyon
sa mga pasahero, hilahin ang lubid doon
at ipapara niya kung saan ka paroroon
sa tamang babaan lang bumaba, ako'y sang-ayon

di maaaring ipara sa gitna ng kalsada
o sa alanganing lugar at baka madisgrasya
sa tamang babaan ka ibababa, ipapara
upang pasahero't tsuper ay di kakaba-kaba

at sa ganitong paalala'y maraming salamat
iniingatan tayo'y dapat din tayong mag-ingat

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa isang dyip

Sabado, Marso 27, 2021

Tula sa munggo 1


TULA SA MUNGGO 1

natuyot na ang dahon at matigas na ang sanga
akala ko'y patay na nang mapansin kong namunga
na pala ang munggong tinanim ko ilang buwan na
kaya ko palang magpatubo, ramdam ko'y kaysaya

unang beses na namunga itong itinanim ko
sa plastik na paso, na inalagaan kong husto
bago sumikat ang araw, didiligan na ito
bago magtakipsilim, didiligan uli ito

nakapagpatubo rin ang magsasaka sa lungsod
lalo't vegetaryanismo'y aking tinataguyod
pagtatanim sa paso nga'y sadyang nakalulugod
may binunga rin ang anumang pagpapakapagod

may suloy na rin pati tanim kong sili't kamatis
sana, ilang buwan pa'y mamunga ang pagtitiis

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa bakuran ng kanilang opisina

#magsasakasalungsod
#magtanimupangmaymakain
#tubongsampalocmaynila
#tanimsaopisinasapasig

Patalastas sa poste

PATALASTAS SA POSTE

patalastas sa poste'y naroong aking nabasa
may paupahang kwartong maaaring ipahinga
ang katawang pata, o kaya'y tirhan ng pamilya
bahay, pahingahan, tahanan, pugad ng pagsinta

marahil sa pahayagan, nilathala rin ito 
nagbabakasakaling may tumugon sa negosyo
o kaya, dahil isa lang ang paupahang ito
pinaskil na lang sa poste't wala nito sa dyaryo

may bayad din yaong bawat sentimetrong lathala
mahigit sandaang piso rin ang halagang sadya
kaya pinaskil na lang sa poste't kita ng madla

marahil, mahal ang bayad sa ganyang paupahan
ngunit kung isang pamilya ang dito'y mananahan
pagbabayad sa upa'y tiyak na paghahandaan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Martes, Marso 23, 2021

Soneto sa lockdown

Soneto sa lockdown

Lockdown na naman, at tahimik ang mga lansangan
Ah, sana ganito'y hindi na panahon ng tokhang
Kundi panahon ng pagninilay sa kaligtasan
Dumungaw man sa bintana'y walang nag-iiyakan
Alam ko, sapagkat wala nang pinaglalamayan
Walang lalabas kahit anong init sa tahanan
Nawa'y hulihin lang ang lalabag, walang pagpaslang

Nais kong itulog na lang bawat alalahanin
At managinip habang di pa maarok ang lalim
Ng laot nitong samutsaring pangamba't panindim
Alagatain ang mutya habang narito't gising
Mutyang diwatang naninilay sa gabing madilim
Ah, may curfew na, dapat na ring maging matiisin
Ngunit nais kong lumabas, bibili ng pagkain.

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Marso 20, 2021

Anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao

 

Anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao

anong lupit, rasismo'y walang pagpapakatao
babanatan ka na dahil iba lang ang kulay mo
anong bangis ng gumawa't nagtataguyod nito
mas superyor ba sila kaysa migranteng narito

tila rasismo'y kadenang nakatali sa leeg
na di nila makalag, sa utak nila'y lumupig
sa kanilang sala, nawa budhi'y umusig
laban sa rasismong ito, tayo'y magkapitbisig

kasumpa-sumpa ang rasismong wala sa katwiran
na wala nang paggalang sa pantaong karapatan
rasismong ala-Hitler ay di nila matakasan
imbes ituring na kapatid, ang kapwa'y kalaban

nawa rasismo'y tabunan ng pakikipagkapwa
rasismo sana'y mawala't magmahalan ang kapwa

- gregoriovbituinjr.

* mga litrato mula sa google

Huwebes, Marso 18, 2021

Ang babala sa istiker ng dyip

Ang babala sa istiker ng dyip

sarkastikong istiker iyong talagang babala
sa mga kababaihan nitong namamasada
animo'y kaytindi ng libog sa kanyang konsensya
na di na iniisip ang magiging konsengkwensya

totoo ang pamagat, isa ngang babala yaon
pag babae'y di nag-ingat, baka siya'y ibaon
ng libag at libog ng kanilang mga ilusyon
mas matindi pa sa basta driver, sweet lover iyon

"Babala: sexy lang pwedeng sumakay" ang nasipat
di ito komedya, huwag ipagkibit-balikat
di ito patawa, ito'y banta, kaya mag-ingat
ito'y babala, kaya huwag kayong malilingat

sa pagsakay sa ganitong dyip, mag-ingat ang seksi
pag may nangyari sa kanya'y sinong magiging saksi

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa unahan ng dyip

Ibaba ang presyo ng bilihin

Ibaba ang presyo ng bilihin

kaytagal nang hiyaw: "Presyo ng Bilihin, Ibaba!"
ng mga kababaihan, di pa rin humuhupa
lehitimong kahilingan lalo ng mga dukha
sa mayayayamang nasa pamahalaang kuhila

"Sahod Itaas! Presyo Ibaba!" naman ang sigaw
ng mga manggagawa, kahilingan ngang kaylinaw
wasto ang panawagan lalo na't kayod kalabaw
pinagkakasya ang sweldong karampot kada araw

halina't suriin at pag-aralan ang lipunan
bakit laksa'y naghihirap, mayaman ay iilan
bakit presyo nitong bilihin ay nagtataasan
bakit may tiwali't kurakot sa kaban ng bayan

masyado nang api ang masa sa kapitalismo
ganitong sistemang bulok ay dapat nang mabago

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Lunes, Marso 15, 2021

Dahil ako'y makata ng sambayanan

Dahil ako'y makata ng sambayanan

di ako makata ng pag-ibig, inaamin ko
makata ng lumbay, ngayon, makata ng obrero
pangarap kong maitayo'y lipunang makatao
sapagkat ako'y panig sa kapwa proletaryado

ito'y isang tungkuling malaon ko nang niyakap
ito'y isang gawaing kaytagal ko nang tinanggap
di ito hangarin upang makaahon sa hirap
kundi masa'y pukawin, itaguyod ang pangarap

huwag akong usigin sa minsang pagkatulala
panahon iyon ng tuwinang trabaho't pagkatha
huwag mo akong patigilin sa aking pagtula
laksang panahon ang ginugugol ko sa pag-akda

sapagkat ito ako, makata ng sambayanan
ilayo ako sa tungkuling ito'y kamatayan

- gregoriovbituinjr.

Martes, Marso 9, 2021

Itaguyod ang katotohanan, huwag matakot

Itaguyod ang katotohanan, huwag matakot

maaaring panahon ngayong takot pa ang bayan
ngunit di lagi ang takot, may panahong lalaban
"Makibaka! Huwag Matakot!" ay paninindigan
ng mga tulad naming aktibista sa lansangan

kaya laging namimihasa ang mga kurakot
dahil tango lang ng tango ang bayang natatakot
yaong mga pumatay pa ang may ganang manakot
kahit na ang legal na batas ay binabaluktot

sa dagat man ng kasinungalingan ay malunod
laot mang malalim ay sisisid, tayo'y susugod
katotohanan ay ipagtatanggol, itaguyod
upang mga lingkod-bayan ay tunay na maglingkod

itaguyod ang katotohanan, huwag mangamba
at makibaka para sa panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Tinig ng Bagong Silang

Tinig ng Bagong Silang

di mo man marinig ang kanilang sinasalita
ay dama mo ang ngitngit sa kanilang puso't mukha
tila walang problema subalit natutulala
ngingiti pag kaharap ngunit puso'y lumuluha

at sa pagkilos nga sa Araw ng Kababaihan
ay nagsalita na rin sila tangan ang islogan:
"Karahasan at pang-aabuso sa kababaihan,
Wakasan!" ito ang sigaw ng ZOTO-Bagong Silang

nag-uumalpas sa plakard at tarpolin ang tinig
na kaytagal napipi, at ngayon ay nang-uusig
dinggin natin ang panawagan nila't pahiwatig
at sa kababaihan ay makipagkapitbisig

hangad nating aktibista'y lipunang makatao
silang api'y samahan natin tungong pagbabago

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Biyernes, Marso 5, 2021

Kyut ang babaeng nakamaong na dyaket

sadyang iba ang dating ng babaeng nakamaong
na dyaket, astig, nakakakilig ang pormang iyon
para bang si Gabriela Silang na naglilimayon
o si Oriang na kabiyak ni Andres ang naroon

bakit kayganda ng babaeng nakamaong na dyaket
bakit kaytindi ng dating niya't napakarikit
ako'y ba'y ginayuma na't titig ko'y nakapagkit
sa kanyang ngiti't mga mata, ako'y nasa langit

ang tulad nila'y pokpok daw o kaya'y japayuki
di ako basta maniwala sa ganyang sinabi
nakikita ko sila pag sumakay ng M.R.T.
kaakit-akit, anong ganda, nakabibighani

hanggang paghanga lamang naman ako sa kanila
kung masyota ang isa sa kanila'y kakaiba

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Marso 4, 2021

Samutsaring katawagan

pag inis sa akin, tinatawag akong Gregorio
buong pangalan talaga, iyon ang pangalan ko
pag kakilala, para sa kanila'y Greg lang ako
ako naman si Gorio sa mga kaedaran ko

Junior o Dayunyor para sa mga kapamilya
sa aking kapuso naman: simpleng Mahal o Sinta
sa mga kapatid: Kuya Junjun o simpleng Kuya
sa mga kumpare't kaibigan ay Greg talaga

mayroong nom de pluma sa gawaing pagsusulat
mayroong nom de guerra sa gawaing pagmumulat
kung inis sa akin, buong pangalan ko na'y sapat
sa tawag pa lang, makikilala  na kitang sukat

pwede akong tawagin sa inisyal kong G.B.J.
na kasintunog din ng idolo kong si F.P.J.

- gregoriovbituinjr.

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...