Biyernes, Abril 30, 2021

Pagpupugay sa bayaning midwife

PAGPUPUGAY SA BAYANING MIDWIFE

Lea Barro Blacer, ngalan ng midwife na bayani
sinaklolohan ang inang nanganak sa kalsada
kapuri-puri ang ginawa, maraming sumaksi
tinulungan din ang sanggol na di na humihinga

pinalo raw sa puwit, at maya-maya'y umuha
hanggang ang mag-ina'y itinakbo na sa ospital
buti't nasaklolohan agad, ayon sa balita
kundi baka lumala ang nangyari kung magtagal

maraming salamat, Lea Barro Blacer, sa iyo
na dapat lamang gawin sa ganoong pangyayari
salamat, tinupad mo ang tungKulin at misyon mo
tunay na widwife na sa kapwa't bayan ay nagsilbi

ang bayaning midwife ay nakapagligtas ng buhay
maraming salamat, sa kanya kami'y nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Abril 26, 2021

Huwag maging palabusakit

HUWAG MAGING PALABUSAKIT

sa tungkulin nati'y huwag maging palabusakit
na sa inumpisahang mulat ay biglang pipikit
tila ba kinabukasan ay ipinagkakait
kapara'y ningas-kugon na gawaing walang bait

kapit lang sa inumpisahan at pakatutukan
ang inyong napagplanuhan at napagkaisahan
kaya ba hindi magawa'y wala pang pondo iyan
pondo'y paano pinlano nang umusad naman

huwag maging palabusakit, huwag ningas-kugon
sa mga plano'y tiyaking isip ay nakatuon
anong kalakasan o kahinaan ninyo ngayon
sinong dapat magpatupad, sinong kikilos doon

sayang lahat ng napag-usapan, plano't gawain
kung pagiging palabusakit ang paiiralin

- gregoriovbituinjr.

palabusakit -[Sinaunang Tagalog] paggawa sa simula lamang, 
mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 889

Mutual aid, di limos, ang community pantry

MUTUAL AID, DI LIMOS, ANG COMMUNITY PANTRY

ito'y hindi limos, kundi pag-agapay sa kapwa
hindi kawanggawa kundi pagtutulungang kusa
bigayan, ambagan, damayan, kaisahang diwa
hindi charity, kundi mutual aid, ang siyang tama

iyan ang paglalarawan sa community pantry
damayan ng bawat isa, di limos, di charity
salamat kung naipaliwanag itong mabuti
upang hindi i-redtag ng mga loko't salbahe

prinsipyo dito'y magbigay ayon sa kakayahan
at kumuha lang ayon sa iyong pangangailangan
sa bawat araw at kapwa'y iisipin din naman
na siyang patnubay natin sa pagbabayanihan

di ba't kaygandang konsepto ng community pantry
na sa panahong ito'y nagdamayan ang marami

- gregoriovbituinjr.

* Balita mula sa: https://newsinfo.inquirer.net/1420463/community-pantry-not-charity-but-mutual-aid

Linggo, Abril 25, 2021

Sa lilim ng puno

SA LILIM NG PUNO

matapos dumalo sa programang pangkalikasan
ay namasyal naman ang magsing-irog sa liwasan
mapuno, mahangin, kaysarap ng pananghalian
habang kung anu-ano lang ang napapag-usapan

nagyaya lang si misis na doon kami'y dumalo
pagkat isang ninang namin ang nagsalita rito
Earth Day iyon, tatlong taon na iyon, ang tanda ko
nakinig kami't maraming napag-aralang bago

kapwa suot ay lunting tshirt na may sinasabi
sa kanya'y kay Pope Francis, may-akda ng Laudato Si
akin naman ay panawagan ng Save Sierra Madre
nangangahulugang sa mundo, kami'y magsisilbi

kaysarap ng aming pahinga sa lilim ng puno
na pinag-usapan ay punong-puno ng pagsuyo

- gregoriovbituinjr.

* ang litrato'y selfie ni misis noong Earth Day 2018 sa Ninoy Aquino Wildlife sa Lungsod Quezon

Gobyernong praning

GOBYERNONG PRANING

aba'y desperado talaga ang gobyernong praning
na pati nagbabayanihan ay nire-redtagging
palpak kasi't inutil ang puno nilang si Taning
na ang pamamaslang para sa kanya'y paglalambing

ayaw ng mga hayop sa nangyaring bayanihan
dahil nauungusan nito ang pamahalaan
kaya community pantry ay nire-redtag na lang
produkto ng kanilang matinding kainutilan

nasanay kasi ang gobyernong manakot ng tao
sanay pumaslang, walang galang sa due process of law
sinanay lang pumatay, kumalabit ng gatilyo
kaya walang respeto sa karapatang pantao

sana'y matapos na ang kagunggungang pangre-redtag
dahil nagdadamayan ang tao't walang nilabag

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Abril 21, 2021

Ang mga pantry ay pagbabayanihan

ANG MGA PANTRY AY PAGBABAYANIHAN

nalalantad kasi'y kainutilan ng gobyerno
community pantry'y ni-redtag pa ng mga ito
kusa na ngang nagbabayanihan ang mga tao
pagtutulungan na, ni-redtag pa ng mga gago

mag-resign na sa pwesto kayong mga mapanira
aba'y sa West Philippine Sea kayo magsiga-siga
community pantry'y pagbabayanihang dakila
huwag pakialaman kung wala kayong magawa

kapara kayo ng alikabok sa tabi-tabi
mga utak na'y inaagiw, pawang marurumi
o kayo'y langaw na walang silbi kundi sa tae
sa pagre-redtag nyo sa mga community pantry

ipagtanggol ang mga pantry't pagbabayanihan
dahil gobyerno'y palpak kaya ito nagsulputan

- gregoriovbituinjr. 

Martes, Abril 20, 2021

Ang diwata sa likod

ANG DIWATA SA LIKOD

buti't di ako nagitla
nasa likod ang diwata
ano kayang sinambitla
ng diwata sa makata

tila nangamoy pinipig
ang pinigilang pag-ibig
hanggang sa puso'y makinig
at nagyapusan ang bisig

ang diwata'y nangalabit
sa makata'y may hinirit
bawat tanong na bakit
ay lagi na lang may sirit

sa pagsintang di masabi
puso ang nakaintindi

- gregoriovbituinjr.

Martes, Abril 6, 2021

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

AYUSIN ANG PHILIPPINE HEALTH CARE SYSTEM!

ayon sa ulat, libo'y namatay sa COVID-19
labingtatlong libong higit na, nakakapanimdim
pag ganito ang nangyayari'y karima-rimarim
ang dapat na'y ayusin ang Philippine Health Care System

anang iba, wala kasing komprehensibong plano
na pulis at militar ang solusyon ng gobyerno
coronavirus ang kalaban, pinuntirya'y tao
naging bulag na tagasunod ng panggulong amo

binaril si Winston Ragos, pasaway ay nasaktan
coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
ang dapat pag-isipan ay kalusugan ng bayan
serbisyong medikal, di militar, ang kailangan

ayusin ang Philippine Health Care System, aming hiyaw
ito'y makatarungang gawin at dapat malinaw

- gregoriovbituinjr.

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

TRABAHO AT AYUDA, HINDI TANGGALAN!

ramdam ng manggagawa sa lockdown, panay ekstensyon
nawalan na ng trabaho'y kayrami pang restriksyon
wala nga bang plano kaya pulos modipikasyon?
na sa una pa lang ay di malaman ang solusyon?

nagsasara ang kumpanya, kaya pulos tanggalan
pati pagkakataon pa'y pinagsamantalahan
regular na manggagawa'y kanilang pinalitan
ng mga kontraktwal, aba'y napakasakit naman

dapat pangalagaan ang trabaho ng obrero
lalo't pandemya't lockdown pa sa mga lugar ninyo
subalit kontraktwalisasyon pa'y sinabay dito!
sadya bang walang puso ang kapitalistang tuso?

sigaw namin: Trabaho't Ayuda, Hindi Tanggalan!
sistemang kontraktwal ay dapat alising tuluyan!

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Abril 5, 2021

Soneto 3 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 3 - para sa April 7 (World Health Day)

Libre at Epektibong Bakuna Para sa Lahat!

gaano nga ba kamahal ang naririyang bakuna?
kundi man libre'y abotkaya ba iyan ng masa?
paano matiyak di iyan tulad ng dengvaxia
na ayon sa mga ulat, kayraming namatay na

paano ba mawawala ang ating agam-agam
at makumbinsi tayo sa paliwanag ng agham
ang kamahalan ng bakuna'y tila di maparam
sa katulad kong mamamayang dapat makaalam

ulat sa telebisyon, kayraming senior citizen
ang nabakunahan, nakakatuwa kung isipin
di na ba sila magkakasakit, kung di sakitin
sa balita, nakumbinsi bang magpabakuna rin

libre at epektibong bakuna para sa lahat
sa mga manggagawa't dukha, ito sana'y sapat

- gregoriovbituinjr.

Soneto 2 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 2 - para sa April 7 (World Health Day)

Solusyong Medikal, Hindi Militar!

dapat ipaunawa sa tao ang kalagayan
ng sakit na COVID-19 sa ating mamamayan
di dapat pinapalo ang lumabas ng tahanan
mga pasaway ay huwag naman agad sasaktan

dahil ang mga unipormado'y di mga hari
na hahampasin pa ng mga yantok nilang ari
na didisiplinahin kang pilipit ang daliri
na totokhangin ka kaya magdasal na sa pari

ang problema'y ang COVID-19, ang coronavirus
bakit papaluin yaong lumabas na hikahos
na hanap ay pagkain para sa pamilyang kapos
diwa ng unipormado'y sumunod lang sa utos?

solusyong medikal, hindi militar, ang dapat gawin
COVID-19 ang kalaban, di mamamayan natin

- gregoriovbituinjr.

Soneto 1 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 1 - para sa April 7 (World Health Day)

Libreng Mass Testing, Ngayon Na!

di natin malaman kung sino ang mga maysakit
lalo na sa kapitbahayan nating dikit-dikit
di natin alam na ang kausap nating kayrikit
ay siya palang hahawa sa atin, anong lupit

di rin niya alam na maysakit na pala siya
dahil wala pang testing na naganap sa kanila
lahat na lang tayo'y pawang duda sa isa't isa
kaya dapat mag-face mask at mag-face shield sa tuwina

kung may pag-testing man ay pupunta ka sa ospital
magbayad ka ng anim o pitong libo, kaymahal
paano ang dukhang sa presyo pa lang ay aangal
magbabayad pa sa testing, wala ngang pang-almusal

"Libreng Mass Testing, Ngayon Na" ang ating panawagan
na sana'y agad matugunan ng pamahalaan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Abril 3, 2021

Patuloy ang pakikibaka

PATULOY ANG PAKIKIBAKA

nasa lockdown man, subalit hindi nagbabakasyon
kundi nasa isip pa rin ang pagrerebolusyon
dahil patuloy ang salot na kontraktwalisasyon
dahil patuloy pa ang tokhang at pagpaslang ngayon

nasa lockdown man, patuloy pa rin ang pangangarap
na sigaw na panlipunang hustisya'y kamting ganap
na ginhawa'y kamtin ng dukha't maibsan ang hirap
na mapatalsik na ang namumunong mapagpanggap

kaya di kami titigil hangga't di nagwawagi
uusigin ng sambayanan ang mapang-aglahi
pag-uusig sa mamamaslang itong aming mithi
uusigin ang bu-ang na siyang utak at sanhi

di kami uuwi hangga't di matupad ang layon
umuwi man kaming bangkay ay natupad ang misyon

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pagkilos ng mamamayan

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...