Lunes, Mayo 31, 2021

Ang regalong inuman ni misis

ANG REGALONG INUMAN NI MISIS

binigyan ako ni misis ng lagayan ng tubig
upang kung mauhaw, may mainom, di man malamig
nang sa pagkauhaw ko raw ay di agad manginig
sadyang tunay na kanyang ginawa'y kaibig-ibig

minsan kasi'y nasa initan akong nagbabadya
ang alinsangan, tirik na araw nga'y bubulaga
banas ng panahon sa katawan ko'y humihiwa
mabuting may tubig nang sa init ay nakahanda

animo'y inahing mapag-alaga sa inakay
animo'y diwatang ginagawa'y laging may saysay
isang asawang aking katuwang sa tuwa't lumbay
na bisig niya sa dibdib ko'y kaysarap dumantay

sa regalo mo'y maraming salamat, aking giliw
sa ating pagsasama'y tapat at walang bibitiw

- gregoriovbituinjr.
05.31.2021 (World No Tobacco Day)

Martes, Mayo 18, 2021

Panawagan ng Miss Universe ng buhay ko

PANAWAGAN NG MISS UNIVERSE NG BUHAY KO

ang tshirt na pasalubong ko'y sinuot ni misis
na ang tatak: No Climate Justice Without Gender Justice

na ibinigay noong Araw ng Kababaihan
nang maraming babae ang nagtungo sa lansangan

tila baga panawagan ng mga kandidata
sa Miss Universe, makabagbag-damdamin talaga

mayroong "Stop Asian Hate", may "Pray for Myanmar" doon
may "No more hate, violence, rejection, discrimination"

sa mga Miss Universe na talagang may prinsipyo
pagpupugay! pati sa Miss Universe ng buhay ko

ang prinsipyado ninyong panawagang dala-dala
sa maraming bansa sa mundo'y mapakinggan sana

upang mga mararahas ay tunay na malupig
nang daigdig ay mapuno ng hustisya't pag-ibig

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Mayo 17, 2021

Soneto sa tatlong hakbang

SONETO SA TATLONG HAKBANG

sa lululan ng eskalador ay may ibinilin
tatlong hakbang na pagitan lang po na kayang sundin
oo, kahit sa eskalador, may social distancing
ang tatlong hakbang ay isang metrong pagitan na rin

madalas ko iyong makita doon sa M.R.T.
gayundin naman kung tayo'y sasakay sa L.R.T.
kahit sa eskalador kung manonood ng sine
tatlong hakbang na pagitan, sundin mo't maging saksi

naka-face mask, face shield, social distancing kahit saan
alalahanin mong lagi ang iyong kalusugan
mabuting nag-iingat kaysa nagkakahawaan
lalo na't may pandemya, tatlong hakbang na pagitan

salamat po sa sinumang dito'y nagsisisunod
pagkat kagalingan ng kapwa'y naitataguyod

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala bago sumakay ng M.R.T. sa Shaw Blvd.

Martes, Mayo 4, 2021

Hazard pay ng mga frontliner, ibigay


HAZARD PAY NG MGA FRONTLINER, IBIGAY

hazard pay o sahod sa mapanganib na gawain
na tulad ng mga medical frontliners sa atin
dahil sa pananalasa ngayon ng COVID-19
marapat lang na hazard pay nila'y ibigay na rin

subalit may ulat na iyon ay naaantala
iyon ang sinabi ng mga nars at manggagawa
may trabaho sa gitna ng pandemya'y walang-wala
at pag nagutom pa ang pamilya'y kaawa-awa

ang hazard pay ba nila'y kailan pa ibibigay?
kung sa sakit ba manggagawa'y mawala nang tunay?
kung kanilang pamilya'y sinakbibi na ng lumbay?
sinong dapat makinig? sinong dapat umalalay?

ibigay ang hazard pay ng mga frontliner natin
ito'y munting kahilingan nilang dapat lang dinggin

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Mayo 1, 2021

Ang uno per uno pala'y di one inch pag sa kahoy

ANG UNO PER UNO PALA'Y DI ONE INCH PAG SA KAHOY

binili'y uno per unong kahoy para sa banner
subalit natanto naming kami'y nadayang pilit
one inch pala'y di uno pag ginamitan ng ruler
sinukat namin, lima sa walong guhit o five eighth

oo, ang one inch ay di uno kundi five eighth lamang
sinukat pati dating kahoy, ganito rin naman
ang akala naming one inch, sa sukat pala'y kulang
dapat talagang usisain bakit ito'y ganyan

ah, kayhirap kasing ang nadarama mo'y nadaya
kulang sa sukat ang kahoy na biniling talaga
mahirap ngang sa sarili'y nariyang nagdududa
at sa bagay na di alam ay baka magprotesta

hinay-hinay lang, puso mo, iya'y masasagot din
kung magtatanong lang muna't ito ang unang gawin

- gregoriovbituinjr.

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...