Miyerkules, Setyembre 8, 2021

Meryenda

MERYENDA

handa ni misis ay saging, mansanas, at rambutan
na batid nating pawang pampalakas ng katawan
may potasyum ang saging, pampatibay ng kalamnan
sa mansanas man ay may popular na kasabihan

tulad ng "rain, rain, go away, come again, another day"
ito nama'y "an apple a day keeps the doctor away"
rambutan nama'y Bitamina C ang binibigay
sa "dry lips and sprue mouth" ay kalunasan itong alay

nilitratuhan ang ebidensya bago kumain
lalo na't ang pakiramdam ko'y nilalagnat pa rin
dahan-dahan lang ang pagkain at mauubos din
meryendang pag-ibig ang may atas kung iisipin

pampalusog na prutas, pampalusog na meryenda
hiling ko'y bumalik na ang lakas ko't gumaling na

- gregoriovbituinjr.
09.08.2021

Linggo, Setyembre 5, 2021

Sa ika-68 kaarawan ng aking biyenan

SA IKA-68 KAARAWAN NG AKING BIYENAN

maligayang ikaanimnapu't walong kaarawan
sa aking maalalahanin at butihing biyenan
nawa'y manatili kayo sa magandang kalusugan
di nagkakasakit, nasa maayos na kalagayan

sa inyo pong kaarawan, di man marami ang handa
ang mahalaga'y ramdam ng pamilya'y ligaya't tuwa
lalo't narito sina bayaw, hipag, at mga bata
pulos kwentuhan, nagpatugtog si misis, kaysaya nga

dagdag pa, kami naman ni misis ay nagsusumikap
tungo sa magandang bukas na aming pinapangarap
bagamat nasa pandemya'y di sinasayang ang hirap
anuman ang problema'y nadaraan sa pag-uusap

salamat po, Nanay, sa mga payo ninyong totoo
muli, pagbati'y maligayang kaarawan sa inyo

- gregoriovbituinjr.
09.05.2021

Biyernes, Setyembre 3, 2021

Fully vaccinated na si misis

FULLY VACCINATED NA SI MISIS

fully vaccinated na si misis, bakunado na
habang sa ospital, hinintay ko't sinundo siya
ngunit mag-face mask at face shield  pa rin, mag-alkohol pa
upang makaiwas sa COVID na nananalasa

Pfizer ang kanyang bakuna, Astrazeneca ako
bakuna niya ang pagitan ay dalawang linggo
Astrazeneca'y tatlong buwan pa'y hihintayin ko
upang bakunahan, maging certified bakunado

minsan talaga, ang pagbabakuna'y dapat lamang
upang ang pamilya't kalusugan ay maingatan
at bantang sakit ay bakasakaling maiwasan
at upang makaiwas din sa bantang kamatayan

salamat naman, fully vaccinated na si misis
habang tila siya bumata't kuminis ang kutis

- gregoriovbituinjr.
09.03.2021

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...