Lunes, Hulyo 18, 2022

Upos

UPOS

parang kandila pag sinindihan
upang hititin ng nagninilay
mamaya'y liliit ng tuluyan
ang yosing may kasiyahang bigay

ang natirang ipit ng daliri'y
sa kung saan na lang ipinitik
sa daan, pasilyo, di mawari't
ginawa ng buong pagkasabik

ah, matapos sunugin ang baga't
paliparin ang usok sa hangin
at itaktak ang titis sa lupa
ginhawa'y panandalian man din

ikinalat na upos sa daan
ay salamin ng ating lipunan

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Kwentong lango

KWENTONG LANGO
tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU)

i

"tagay pa, cheers, amigo!
magpakalango tayo!"
sabi ng lasenggero
sa katotong lasenggo

isip ay tikom
balewala ang gutom
basta may inom

ii

habang serbesa'y lasap
di siya kumukurap
na nilunod sa iglap
ang problemang kaharap

sugat ma'y antak
simot ang huling patak
ng nilalaklak

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Linggo, Hulyo 17, 2022

Tagaiku

TAGAIKU

nais kong kathain ay TAGAIKU
animo'y kalahating soneto
ah, kaygandang kumbinasyon nito
pinagsama ang TAnaGA't haIKU

tanaga'y tigpipito ng pantig
sa saknong ay magkakapitbisig
haiku'y lima-pito-limang pantig

puntirya ko'y bulok na sistema
tinitira'y tuso't palamara
paksa't pangarap para sa masa'y
kamtin ang panlipunang hustisya

halina't subukang mag-TAGAIKU
at ilatag ang angking prinsipyo
habang tayo pa'y nasa huwisyo

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Hustisya

HUSTISYA

"For me, justice is the first condition of humanity." - Literature laureate Wole Soyinka 

bakit nga ba ang katarungan
ay dapat nating ipaglaban ?
ayon nga kay Wole Soyinka
hustisya ang unang kondisyon
ng sangkatauhan, O, bayan

makahulugan, anong talim
ipaglaban nating taimtim
makasugat man ng damdamin
ay kaygandang salawikain

kaya kami nakikibaka
tibak akong nakikibaka
upang masa, hustisya'y kamtin
upang pang-aapi'y mawala 
at mapanagot ang maysala

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Miyerkules, Hulyo 13, 2022

Soneto 77

SONETO 77
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Ipakikita sa iyo niyang / salamin ang suot mong alindog,
Idadayal mo pa’no nasayang / yaong mahahalagang sandali;
Matatala sa kawalang puwang / ang sa iyong diwa’y mahuhubog,
At sa aklat na ito’y iyo ngang / malalasap ang aral na mithi.
Ang mga kulubot na naroong / ipinakikita ng salamin
Sa mga bunganga ng libingang / tumatak sa iyong alaala;
Sa pagdayal mo sa makulimlim / na lilim na ari mang alamin
Ang panakaw na pag-unlad niyong / panahon tungong kawalang-hangga.
Tingni kung ano ang hindi aring / maakibat niyang isipan mo
Magsulat sa mga blangkong sayang / na ito’t iyong matatagpuan.
Ang mga inalagaang paslit / na dinala sa iyong huwisyo
Upang ang diwa mo’y magkaroon / ng panibago ring kasamahan.
Ang mga nariritong tanggapan, / sa tuwing pagmamasdan mong sukat,
Ay talagang makikinabang ka’t / mapayayaman pa yaong aklat.

07.13.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na malakas o; patinig na may impit i;
cdcd - katinig na mahina i; patinig na walang impit a;
efef - patinig na walang impit o; katinig na mahina a;
gg - katinig na malakas a.

SONNET 77
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

Thy glass will show thee how thy beauties wear,
Thy dial how thy precious minutes waste;
The vacant leaves thy mind’s imprint will bear,
And of this book this learning mayst thou taste.
The wrinkles which thy glass will truly show
Of mouthed graves will give thee memory;
Thou by thy dial’s shady stealth mayst know
Time’s thievish progress to eternity.
Look what thy memory cannot contain,
Commit to these waste blanks, and thou shalt find
Those children nurs'd, deliver’d from thy brain,
To take a new acquaintance of thy mind.
These offices, so oft as thou wilt look,
Shall profit thee and much enrich thy book.

Miyerkules, Hulyo 6, 2022

Paggunita

PAGGUNITA

ikaapat na anibersaryo
ng ritwal niring kasal sa tribu
paggunita, munting salusalo
ipinagdiwang naming totoo
itong pagsasama ng maluwat
sa saya o problemang mabigat
sa amihan man o sa habagat
masagana man o nagsasalat
araw ma'y lumitaw o lumubog
katawa'y pumayat o lumusog
upang tumagal ang magsing-irog
buhay at bukas ang tanging handog
sa bawat hakbang nagpapatuloy
at kami'y sisibol at susuloy

- gregoriovbituinjr.
07.06.2022

Martes, Hulyo 5, 2022

Soneto 94

SONETO 94
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Sila yaong may kapangyarihang / manakit at walang ginagawa,
Na hindi magawa yaong bagay / na lagi nilang inilaladlad,
Sino, na iba’y pinagagalaw, / silang sa bato ginayang pawa,
Hindi natitinag, anong lamig, / at pagdating sa tukso’y kaykupad -
Minana nila ng wato mula / sa langit yaong mga biyaya,
At pati yaman ng kalikasan / ng asawa mula sa gugulin;
Sila yaong mga panginoon / at may-ari niyong mukha nila,
Habang iba’y tagapangasiwa / ng kanilang kahusayan man din.
Yaong bulaklak niyong tag-araw / na sa tag-araw din ay kaytamis
Datapwat ito’y sa sarili lang / nangabubuhay at namamatay;
Subalit kung yaong bulaklak na / nakahahawa’y nagkakaniig,
Ang pinakamasama mang damo’y / sinasalungat ang kanyang dangal.
Matatamis ma’y pinaaasim / ng mga ikinikilos nito:
Tulad ng mga liryong ang amoy / ay mas malala pa kaysa damo.

07.05.2022

Tugmaan batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - patinig na may impit a; katinig na malakas a;
cdcd - patinig na walang impit a; katinig na mahina i;
efef - katinig na mahina a;  katinig na malakas i;
gg - patinig na walang impit o.

SONNET 94 
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classics

They that have power to hurt and will do none,
That do not do the thing they most do show,
Who, moving others, are themselves as stone,
Unmoved, cold, and to temptation slow-
They rightly do inherit Heaven's graces,
And husband nature's riches from expense;
They are the lords and owners of their faces,
Others but stewards of their excellence.
The summer's flow'r is to the summer sweet
Though to itself it only live and die;
But if that flow'r with base infection meet,
The basest weed outbraves his dignity.
For sweetest things turn sourest by their deeds:
Lilies that fester smell far worse than weeds.

Linggo, Hulyo 3, 2022

Himagsikang panlipunan

HIMAGSIKANG PANLIPUNAN
Pinagmulan: Eugène Pottier, Chants Révolutionnaires (ikalawang edisyon), Paris, Bureau de Comité Pottier, [n.d.] ;
Isinalin mula Pranses ni Mitchell Abidor;
CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2018.
Malayang salin mula sa Ingles ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

Nakita nang lumitaw ang dambuhalang halimaw,
Ang malalaking kilabot at ang mga bagito,
Ang mga heneral pati ang mga kaparian
Lahat sila’y nangatal: ang sandal na’y dumatal!

Dinagundong ng lintik yaong mata’t angking bisig,
Hindi palihim na kumikilos yaong Paggawa:
Kumikilos  iyon at gumagana nang hayagan
At nag-oorganisa nang walang sinumang amo!

Anila: “Sa daigdig at sa mga bunga nito,
Sa mga kasangkapan at lahat ng nalilikha,
Nilahad mo ang iyong kamay: isuko mo sila!"

"At dumating kayo, na nakamamatay na multo
Upang makibahagi lang ba sa pamumuhunan?"
"Upang ipamahagi? Hindi! Upang kunin lahat!

sa Manchester noong 1881

* Isinalin noong Hulyo 3, 2022
* Litrato mula sa google
* Talasalitaan
dambuhala - salin ng great, imbes na dakila
halimaw - salin ng colossus, imbes na higante o malaki
bagito – salin ng parvenus

SOCIAL REVOLUTION 
Source: Eugène Pottier, Chants Révolutionnaires (second edition), Paris, Bureau de Comité Pottier, [n.d.] ;
Translated: by Mitchell Abidor;
CopyLeft: Creative Commons (Attribute & ShareAlike) marxists.org 2018.

Seeing the great colossus appear,
The big shots and the parvenus,
The generals and priests
All of them are trembling: the moment has arrived!

Thunder bolt eyes and bare arms,
Labor doesn’t act in secret:
It works openly
And will organize without master!

It says: “On the globe and its fruits,
On tools and all produced,
You laid your hands: give them up!”

“And so you come, fatal specter
To share in capital?"
"To share it? No! To take it all!

Manchester 1881

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...