Sabado, Nobyembre 26, 2022

Nobyembre

NOBYEMBRE

samutsari yaong kaganapan ngayong Nobyembre
birthday nina Itay, pamangkin, utol kong babae
at ng isa ko pang utol na naroon sa Davao
na kaytagal nang di nakita't ako'y namamanglaw

kaarawan din ng unang Hari ng Balagtasan
ngalan ay Huseng Batute, idolo sa tulaan
kung saan National Poetry Day ay idinaos
sa mismong kaarawan niyang Nobyembre Beynte Dos

sentenaryo ngayong taon ng magasing Liwayway
na ngayong Nobyembre rin pinagpupugayang tunay
sa dakilang magasing ito naman nalathala
ang laksa-laksang nobela, sanaysay, kwento't tula

O, Nobyembre, sa buhay namin ay mahalaga ka
upang magdiwang, gumunita, kumatha't magsaya

- gregoriovbituinjr.
11.26.2022

Lunes, Nobyembre 21, 2022

Hoy, kapitalista, magbayad ka!

HOY, KAPITALISTA, MAGBAYAD KA!

ang sulat sa plakard, "Trabaho, Hindi Bayad"
basahin mo, mabilis ang bigkas sa "Bayad"

kung mabagal ang bigkas, pinapipili ka
kung trabaho o bayad, alin sa dalawa

ngunit mabilis ang bigkas, naunawaan
ang trabaho ng obrero'y di binayaran

hindi makatarungan ang kapitalista
tanging hinihingi ng obrero'y hustisya

kaya panawagan ng mga manggagawa
bayaran ang trabaho't bayaran ng tama!

sa kapitalista, hoy, magbayad ka naman!
obligasyon sa obrero'y huwag takbuhan

pinagtrabaho sila, kaya magbayad ka!
at kung di ka magbabayad, magbabayad ka!

- gregoriovbituinjr.
11.21.2022

* Litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos ng mga manggagawa sa DOLE, 11.21.2022

Huwebes, Nobyembre 17, 2022

Talang Batugan

TALANG BATUGAN

sa Ursa Minor, ito ang pinakamaliwanag
na tala, Talang Batugan ang katutubong tawag
 
ito'y NorthStar o Hilagang Bituin pag naarok
na nasa dulo ng tatangnan ng Munting Panalok

nasa hilagang axis din ng mundo nakaturo
na pag umaga'y di makita't tila ba naglaho

tinatawag rin ang bituing ito na Polaris
na ngalan ay katugma ng bayaning si Palaris

Talang Batugan? aba'y may tamad nga bang bituin?
o dahil parang tuod ito kung di kikibuin

animo'y nakasabit lang na parang tinirintas
sa kalangitang tanging pag gabi lang lumalabas

oh, Talang Batugan, kung ika'y isang paraluman
magsisipag ako upang makasama ka lamang

- gregoriovbituinjr.
11.17.2022

* Talang Batugan - katutubong tawag sa Hilagang Bituin, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1212
* Munting Panalok - Little Dipper
* Palaris (Enero 8, 1733 – Pebrero 26, 1765), bayaning lider mulang Pangasinan
* Ang tulang ito'y bahagi ng planong aklat na "Talastas Ko ang mga Bituin" na katipunan ng mga sanaysay, kwento at tula. Apelyido ng asawa ko'y Talastas at ako naman ay Bituin.

Lunes, Nobyembre 14, 2022

Soneto sa LA_O

SONETO SA LA_O

labo, lako, lago, laho, lalo, 
lango, laro, laso, lato, layo

halos lahat sa dulo'y may impit
puwera lang sa laso, kaylupit

napaisip sa palaisipan
aba'y agad akong natigilan

posibilidad kasi'y kayrami
kaya sa pagsagot nawiwili

puwera lango, apatang titik
nang sa isip ko'y may pumilantik

anong yaman pala sa salita't
may tugmaan pa ang ating wika

hanggang may tulang pumaimbulog
na sa inyo po'y inihahandog

- gregoriovbituinjr.
11.14.2022

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...