Huwebes, Disyembre 29, 2022

Hayop

HAYOP

noong minsang mapunta sa gubat
hayop doon ako'y kinausap
ang agad nilang tanong sa akin
ako ba kaya'y isang hayop din
hayop akong walang kahayupan
pagkat ang nais ko'y kabutihan
ng aking kapwa, anuman sila
basta't may buhay kinikilala
ngunit mayroon pa silang tanong
kilala ko ba ang Haring Leon
o kaya'y ang Dambuhalang Tigre
na nais nilang bigyang mensahe:
kami'y mga hayop ding totoo
maggalangan naman sana tayo

- gregoriovbituinjr.
12.29.2022

Biyernes, Disyembre 23, 2022

Suman

SUMAN

mga mumunting suman
na galing Isabela
ang binigay ni Ninang
sa inaanak niya

kaya kami ni misis
ay taos pasalamat
puso'y gintong kilatis
talagang di masukat

one-forth kilong spinach
ang tangi naming handog
mula sa La Trinidad,
Benguet, pampalusog

nagpalitang regalo
nagbigayang totoo

- gregoriovbituinjr.
12.23.2022

Huwebes, Disyembre 22, 2022

Tinda sa bus

TINDA SA BUS

ale'y namigay ng papel sa bus
upang paninda niya'y maubos
di man totoo ang nakasulat
ngunit ito'y sapat nang hikayat
may limang anak, nagtitiyaga
kumakatok sa puso ng madla
nagsasakripisyo't nagsisikap
upang sa anak ay may ilingap
sa isang kasabihan, ika nga
kapag may tiyaga, may nilaga
bawat pulburon ay sampung piso
kahit dalawa'y kumuha ako
sa kanya ito'y munti nang tulong
masarap din naman ang pulburon

- gregoriovbituinjr.
12.22.2022

Martes, Disyembre 13, 2022

Kinayod

KINAYOD

sinangag sa kawali'y kinayod
kamay man ay nangalay, napagod
ngunit sa agahan ay malugod
para bang hinahaplos ang likod

iyon ang ulam ko sa agahan
kaning bahaw ay pinainitan
isinangag, anong sarap naman
ng agahang may pagmamahalan

malamig na bahaw man ang kanin
bilin ni misis, huwag sayangin
ito nama'y makabubusog din
upang tiyan ay di hinahangin

kinayod ko ang natirang tutong
sa puso'y saya ang ibinulong

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...