Miyerkules, Hunyo 21, 2023

Utitab

UTITAB

sa krosword, luha sa itim ng mata ang utitab
habang sa isang diksyunaryo, uhog ang utitab

may luha sa puti ng mata at itim sa mata
habang ang isa'y salitang gamit sa medisina

magkaiba ng kahulugan, alin ba ang tama
pareho mang likido, iba ang uhog sa luha

gayunpaman, mga ito'y dagdag na kaalaman
sa akda'y magagamit, di man magsingkahulugan

pag nirambol ang UTITAB, makukuha'y BATUTI
di kaya rito galing ang ngalang Huseng BATUTE

makatang may luha sa itim ng mata ang tula
o kaya makatang ito'y uhugin noong bata

ngunit makapagpapatunay ng ganito'y sino
kung utitab ba'y Batute, ay, naisip lang ito

- gregoriovbituinjr.
06.21.2023

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 21, 2023, p.10
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 1312

Linggo, Hunyo 18, 2023

Happy Father's Day

HAPPY FATHER'S DAY

isang araw bago kaarawan ni Dr. Rizal
ay Father's Day, kaya mga ama'y ating itanghal
pagkat sila'y nagtrabaho, nagsikap at nagpagal
nang tayo'y mapalaki, mapakain, mapag-aral

paano ba ilalarawan sa mga kataga
ang hirap at sakripisyo ng amang manggagawa
upang tayo'y lumaking marangal at maihanda
sa pagtahak sa landas ng luha, tuwa't paglaya

ating pagpugayan ngayong Araw ng mga Ama, 
sina Tatay, Daddy, Ama, Itay, o kaya'y Papa,
haligi ng tahanan silang katuwang ni Ina
pagkat wala tayo sa daigdig kung wala sila

ating bati: Maligayang araw ng mga Tatay!
at sa lahat ng ama, mabuhay kayo! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
06.18.2023

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...