Miyerkules, Enero 31, 2024

Pagsuyo kay misis

PAGSUYO KAY MISIS

kung nagtampo si misis, aking susuyuin
tulad ng tandang na gumiri sa inahin
tulad ng leyon na leyona'y aakitin
tulad ng binata sa mutyang iibigin

lalabhan ko ang mga maruruming damit
lulutuin ang paborito niyang pansit
sa pinagkainan, ako ang magliligpit
o kaya'y tititigan ko siyang malagkit

hahandugan ko ng rosas at tsokolate
aalayan ng tulang kaygandang mensahe
ililibre ko rin siya sa pamasahe
hihingi rin ng tawad kung ako'y salbahe

lalambingin si misis ng buong pagsuyo
upang pag-ibig niya'y di naman maglaho

- gregoriovbituinjr.
01.31.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon

Lunes, Enero 29, 2024

Palaisipang numero

PALAISIPANG NUMERO

D.L. sa Roman numeral agad kong tugon
sa pinag-plus na kapwa C.C.L.X.X.V.
pagkat two-hundred seventy five times two iyon
na sinagot ko naman ng five hundred fifty

kaysayang may adisyon sa palaisipan
na sadya namang ikaw ay mapapaisip
buti't Roman numeral ay napag-aralan
upang makatugon sa di agad malirip

ah, sana'y marami pang krosword na ganito
na di lang tulad ng paboritong sudoku
may adisyon, subtraksyon, o ekwasyon ito
dahil talagang hamon sa kakayahan mo

sa ganyang krosword, ako'y nagpapasalamat
pagkat ang diwa'y ginigising, ginugulat

- gregoriovbituinjr.
01.29.2024

* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 29, 2024, pahina 11

Linggo, Enero 28, 2024

Anim na libreng libro

ANIM NA LIBRENG LIBRO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Enero 27, 2024 ng gabi, bago kami lumuwas papuntang Cubao galing Benguet ay dumaan muna kami ni misis sa isang tindahan ng aklat sa Baguio, kung saan ninang namin sa kasal ang may-ari niyon. 

Sabi ko kasi kay misis, dumaan muna kami roon dahil may mga aklat pampanitikan  na doon ko lang nakikita. Noon kasi'y may nabili na ako roong tatlong aklat-pampanitikan. Nakabili ako noon sa staff ni ninang, na nagsabi sa akin, "Ang ganda naman ng mga napili mong libro, Sir." Binigyan pa niya ako ng discount.

Pagdating namin ni misis sa book store, kumustahan muna sila ni ninang. Ako naman ay tumingin-tingin na ng libro. Maya-maya, lumapit sa akin si ninang at ibinigay ang aklat na "Minutes of the Katipunan" at ang sabi kay misis, "Tiyak magugustuhan ito ng asawa mo." Wow! Alam niyang mahilig ako sa usaping kasaysayan. Maraming salamat po, ninang!

Tapos ang sabi niya sa amin ni misis, kuha lang ako ng libro, siya na ang bahala. Ibig sabihin, libre na. Kaya ang mga nakita kong aklat-pampanitikan na interesado ako ay aking kinuha. Bago iyon ay may napili akong isang aklat-pangkasaysayan.. Ang aklat na may pamagat na "A Heart For Freedom" hinggil sa buhay ng isang babaeng nanguna at naging lider ng mga nagprotesta sa Tiananmen Square. Ayon sa paglalarawan sa likod na pabalat: "She led the protesters at Tiananmen Square and became China's most wanted woman." Doon pa lang ay nakuha na ang atensyon ko. Dagdag pa ng aklat: "Today, she's finally telling her astonishing story."

Ang unang napili kong aklat-pampanitikan ay may pamagat na "Ted Hughes's Tales of Ovid". Pareho kong kilala ang dalawang ito. Si Ted Hudges ay isang makatang Ingles at asawa ng kilala ring makatang si Sylvia Plath. Si Ovid naman ay makatang Romano noong unang panahon.

Kilala ring manunulat at ginawaran ng Nobel Prize for Literature si Ernest Hemingway. Kaya napili ko ring kunin ang aklat hinggil sa kanyang talambuhay.

Agad ding pumukaw sa akin ang librong "The Poet" ng kilalang nobelistang si Michael Connelly, na ayon sa pananaliksik ay nakakatha na ng tatlumpu't walong nobela. Pamagat pa lang, napa-Wow na ako.

Ang huling aklat na napili ko ay ang "The Wordsworth Encyclopedia". Kilala ring makata si William Wordsworth.

Dalawang aklat-pangkasaysayan. Apat na aklat-pampanitikan. Sapat na iyon. May dalawa pang aklat na ibinalik ko dahil naisip kong baka ako'y umabuso na. Kaya anim lamang. Medyo nahiya rin.

Magkano ba ang nalibre kong libro? Tiningnan ko isa-isa:
(1) Minutes of the Katipunan - 261 pahina - P200
(2) A Heart For Freedom - 360 pahina - P155
(3) Ted Hughes's Tales from Ovid - 135 pahina - P128
(4) Ernest Hemingway - 782 pahina- P480
(5) The Poet - 410 pahina - walang presyo ngunit halos singkapal ng Hemingway kaya ipagpalagay nating P480 din, makapal ang papel kaysa Hemingway 
(6) The Wordsworth Encyclopedia - 476 pahina - P150
Sumatotal = P1593

Sa pagbilang ng pahina, isinama ko ang naka-Roman numeral sa naka-Hindu-Arabic numeral.

Muli, maraming salamat po sa mga libreng libro, ninang. Dahil dito'y ikinatha ko ito ng tula.

ANIM NA LIBRENG LIBRO

kaygaganda ng mga aklat kong napili
lalo't pagbabasa ng libro'y naging gawi
aklat-pampanitikan pang sadya kong mithi
nilibre ni ninang, sa labi namutawi

ang pasasalamat kong sa puso'y masidhi
ang bawat libreng libro'y pahahalagahan
sa maraming panahong kinakailangan
may panahon ng pagbabasa sa aklatan

may panahon din ng pagtitig sa kawalan
panahon ng pagkatha ay pagsisipagan
batid ni misis na libro ang aking bisyo
na pawang mga aklatan ang tambayan ko

kaya maraming salamat sa libreng libro
munting kasiyahan na sa makatang ito

01.28.2024

Miyerkules, Enero 24, 2024

Pagkain ng buhay-Spartan

PAGKAIN NG BUHAY-SPARTAN

kapag wala si misis, balik sa buhay-Spartan
pagkat bilang aktibista, ito'y nakasanayan
kaya wala munang masarap na pananghalian
kundi ang naisipa'y pagkaing pangkalusugan

sibuyas, bawang, kamatis, at talbos ng kamote
pampalakas ng katawan, ganito ang diskarte
pawang mga gulay, prutas, isda, at walang karne
kahit sa kapwa tibak, ito'y munti kong mensahe

mahirap man ang buhay-Spartan na binabaka
ang bulok na sistema't mga pagsasamantala
dapat handa't malakas sa pagharap sa problema
lalo't asam itayo ang lipunang makamasa

mga payak na pagkain ngunit nagpapalakas
ng diwa't katawan, paghahanda sa bagong bukas

- gregoriovbituinjr.
01.24.2024

Ang aklat-pangkalusugan nina Doc Willie at Liza Ong

ANG AKLAT-PANGKALUSUGAN NINA DOK WILLIE AT LIZA ONG
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kayganda ng nabili kong aklat-pangkalusugan. May pamagat itong "Sakit sa Puso, Diabetes at Tamang Pagkain" na Payo Pangkalusugan na inakda nina Doc Willie Ong at Doc Liza Ong. Nagkakahalaga ito ng P200 na nabili ko nitong Enero 23, 2024, sa ikalawang palapag ng National Book Store sa Gateway, Cubao. Binubuo ng 112 pahina, na ang naka-Roman numeral ay 7 pahina (na binubuo ng Pamagat, Publishers' Corner, Nilalaman, Paunang Salita), habang ang talagang teksto ay umaabot ng 105 pahina.

May dalawa pang aklat na ganito rin, na kumbaga'y serye ng aklat-pangkalusugan ng mag-asawang Ong. P200 din, subalit hindi ko muna binili. Sabi ko sa sarili, hinay-hinay lang. Pag nakaluwag-luwag ay bibilhin ko rin ang dalawa pang aklat nila upang makumpleto ang koleksyon.

Sa Paunang Salita, binigyang-pansin ni Mr. Miguel G. Belmonte, presidente ng pahayagang The Philippine Star at tabloid na Pilipino Star Ngayon, ang wikang Filipino. Ayon sa kanya, "Kapag nagpupunta ako sa mga health section ng mga book store, napapansin ko na walang libro ukol sa pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino. Sa presyo pa lang magkakasakit na ang mambabasa."

Tama. Kaya kailangang pag-ipunan din, at kung nasa Ingles ay baka hindi bilhin. Kailangan mo pa ng diksyunaryo upang sangguniin kung ano ang kahulugan ng salitang nasa Ingles. Mabuti na lang, mayroon na ngayong aklat-pangkalusugan na nasusulat sa wikang Filipino, at ito nga ang sinulat ng mag-asawang Ong.

Tinapos ni Mr. Belmonte ang kanyang Paunang Salita sa ganito: "Ang librong 'Sakit sa Puso, Diabletes at Tamang Pagkain' ang tamang libro para sa kalusugan na dapat mabasa ng mga Pilipino sa panahong ito. Madali itong maiintindihan at mauunawaan."

Kayganda ng sinabing ito ni Mr. Belmonte. Dahil tayo'y bansang nangangayupapa sa wikang Ingles, na animo ito'y wika ng may pinag-aralan, at itinuturing ng iba na wikang bakya ang wikang Filipino. Kaya magandang panimula ang sinabing iyon ni Mr. Belmonte upang mahikayat pa ang ibang manunulat, doktor man at hindi, na magsulat sa wikang nauunawaan ng karaniwang tao sa ating bansa. Pagpupugay po!

May sampung kabanata ang aklat na ito. At narito ang pamagat ng bawat kabanata:
I. Sakit sa Puso at Diabetes
II. Tamang Pagkain
III. Tamang Pamumuhay
IV. Para Pumayat, Gumanda at Para sa Kababaihan
V. Murang Check-up at Tamang Gamutan
VI. Murang Gamutan
VII. Tanong sa Sex at Family Planning
VIII. Artista at Kalusugan
IX. Mga Sakit Mula Ulo Hanggang Paa
X. Pahabain ang Buhay

Habang isinusulat ito, natapos ko nang basahin ang unang kabanata. Talagang tumitimo sa akin ang mga payo rito. Tunay na malaking tulong ito sa ating mga kababayan.

Nais kong maghandog ng soneto (o munting tulang may labing-apat na taludtod) hinggil sa makabuluhang aklat na ito.

AKLAT-PANGKALUSUGAN

kaygandang aklat-pangkalusugan ang nabili ko
sinulat ng dalawang batikang doktor ang libro
taospusong pasasalamat, ako po'y saludo
pagkat malaking pakinabang sa maraming tao

"Sakit sa Puso, Diabletes, at Tamang Pagkain"
ang pamagat ng librong kayraming payo sa atin
kung nais mong tumagal ang buhay, ito'y basahin
bawat kabanata nito'y mahalagang aralin

may sakit ka man o wala ay iyong mababatid
ang bawat payo nilang tulong sa mga kapatid
nang sa mga sakit ay makaiwas, di mabulid
sa gabing madilim, libro'y kasiyahan ang hatid

maraming salamat po, Doc Willie at Doc Liza Ong
sa inyong aklat at mga ibinahaging dunong

01.24.2024

Lunes, Enero 22, 2024

Ang paghuhugas ng pinggan ay panahon ng pagkatha

ANG PAGHUHUGAS NG PINGGAN AY PANAHON NG PAGKATHA

may napansin sa sarili / kung paano ba kumatha
na habang nasa lababo, / may biglang nasasadiwa
doon ay napagtanto ko / yaong karanasang sadya:
ang paghuhugas ng pinggan / ay panahon ng pagkatha

kaya ginawa kong misyon / sa buhay at sa tahanan
na ako ang maghuhugas / ng aming pinagkainan
araw, tanghali at gabi / ay tungkulin ko na iyan
na panahong kayrami kong / mga napagninilayan

mga karaniwang bagay, / mga samutsaring isyu
ang laban ng maralita, / babae, uring obrero
may tula sa kalikasan, / sanaysay, pabula't kwento
tula sa diwatang sinta, / nobela kong pinaplano

aba, minsan din talaga / sa lababo tumatambay
at pagkatapos maghugas / ay isulat ang nanilay

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYFsB1gQf/

Pagbigkas ng tula sa rali

PAGBIGKAS NG TULA SA RALI

ah, patuloy akong bibigkas ng tula sa rali
pagkat kayraming isyu ng masa'y dapat masabi
kahit makasagasa man nang walang pasintabi
ay tutula ako ng walang pag-aatubili
nang sa uring manggagawa't masa'y makapagsilbi

pagkat wala rin akong ibang entabladong alam
kundi sa mga pagkilos ng masa sa lansangan 
wala ring toreng garing na sana'y mapupuntahan
kundi sa lupang dahop sa anumang karangyaan
upang ipagtanggol ang pinagsasamantalahan

pagpupugay sa lahat ng makatang mambibigkas
na tila mga apo nina Batute't Balagtas
habang atin namang tinatahak ang wastong landas
tungo sa asam na pagtatag ng lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
01.22.2024

Sabado, Enero 20, 2024

Bawal ang marupok

BAWAL ANG MARUPOK

katulad ng pag-ibig
ay bawal ang marupok
na kapag walang tubig
sa apoy matutupok

ang daan ay matagtag
parang mga problema
kaya magpakatatag
ka sa buhay tuwina

halimbawa'y upuan
kailan ba tatayo
upang tingnan ang bayan
sa hiwa ba'y nagdugo

gawin mo anong tama
nang magalak ang madla

- gregoriovbituinjr.
01.20.2024

Biyernes, Enero 19, 2024

Inaantok na

INAANTOK NA

sa pagkapagod, inaantok din
dama ko agad, di man sabihin
iidlip muna kahit sandali
upang sa lakas ay makabawi

napapapikit ang mga mata
sadyang nais makapagpahinga
di na maimulat ang talukap
habang may ginhawang hinahanap

mamaya lang ay mananaginip
may saya't lungkot na di malirip
na makikita muli ang mutya
suliranin ay di mahalata

malulutas ang maraming bakit
magpahinga lang muna't pumikit

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLYcrV034v/

Pagpapainom ng gatas

PAGPAPAINOM NG GATAS

habang wala ang talagang ina
ay may nag-aalaga sa tatlo
may gatas na sinususo sila
upang lumakas silang totoo

nag-aalaga'y parang ina rin
habang nagpalahaw at ngiyawan
ang bagong silang na tatlong kuting
na nanay nila'y nasa galaan

kinanlungan nila'y munting kahon
doon na nagbanig at humiga
gatas muna't di pa makalamon
mahirap iwan, di makagala

kaysarap dinggin ng mga ngiyaw
na talagang umaalingawngaw

- gregoriovbituinjr.
01.19.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://fb.watch/pLY9RCliuZ

Huwebes, Enero 18, 2024

Anyubog

ANYUBOG

paano ko kakathain ang ikaw
kung sa nilalandas ay naliligaw
tumahak man sa putikang mababaw
sa gubat na masukal at mapanglaw

paano kaya kita ikakatha
ng tula habang ako'y nasa lawa
at pinagmamasdan ang mga isda
roong tila nagkasiyahang sadya

kakathain ko anuman ang isyu
upang ang masa'y mulating totoo
kung sistema'y papalitang paano
habang kasama kita'y napagtanto

magpatuloy lang tayong makibaka
lalo't magkasama kita tuwina

- gregoriovbituinjr.
01.18.2024

Sabado, Enero 13, 2024

Tarang mag-tsaa

TARANG MAG-TSAA

mabuti sa katawan ang tsaa
sabi ng matatanda sa una
paborito ng mamay at lola
ano pa't pampasigla talaga

ito pa'y mahalagang inumin
upang di ka raw maging sakitin
gamot din daw sa pag-uulyanin
mga kalamnan pa'y ginigising

iniinom ko ito ng sapat
bago kumain at mag-uminat
nag-aalis ng bara sa ugat
iwas sa sobrang timbang o bigat

tarang mag-tsaa, tayo'y uminom
lumbay sa gunita'y maghihilom

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Nagmamahal

NAGMAMAHAL

ay, nagmamahalan na ang presyo
ng bilihin, pati na Meralco
sibuyas, kamatis na bili ko
ay talagang mahal nang totoo

ay, mura pa rin kung tingi-tingi
magsasaka'y di sana malugi
masaganang ani nilang mithi
nawa'y kamtin, di maging lunggati

mamamakyaw, binibiling mura
mahal na pag kanilang binenta
kawawa tuloy ang magsasaka
ang nagtanim ay di sumagana

presyo man ay nagmahal nang lubos
sinong masisi pag kinakapos?

- gregoriovbituinjr.
01.13.2024

Lunes, Enero 8, 2024

Buntala

BUNTALA

ilang planeta ang nakikita
at napaisip ako talaga
Venus ba, o Mars ba, o buwan ba?
ngunit di sila mga planeta

pagkat repleksyon lang ng liwanag
ng bombilya, ako'y napapitlag
titig sa wala, buhay na hungkag
ah, repleksyon, ako'y napanatag

animo sila'y mga buntala
na iyong natatanaw sa lupa
animo'y tulog pa yaring diwa
at sa kawalan nakatunganga

mabuti't yaring diwa'y nagising
sa matagal kong pagkakahimbing

- gregoriovbituinjr.
01.08.2024

Huwebes, Enero 4, 2024

Sapaw na tuyong pusit sa hapunan

SAPAW NA TUYONG PUSIT SA HAPUNAN

sinapaw ko sa sinaing ang tuyong pusit
imbes iprito sa kawali'y makatipid
okra't itlog ay sapaw din para sa paslit
payak na ulam sa hapunan, saya'y hatid

pag nagprito pa'y dagdag na paggamit ng gas
nang sinapaw sa kanin, aba'y anong sarap
diskarte lang upang sa gastos makaiwas
upang buhay ay di mukhang aandap-andap

may nadulot din ang pagtitig sa kisame
at pagtunganga ko'y nagkaroon ng silbi
aba'y nakakaisip minsan ng diskarte
busog ka na'y nakatipid pa ngayong gabi

maraming salamat, kaunti man ang ulam
at nairaos ang masarap na hapunan

- gregoriovbituinjr.
01.04.2024

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...