Martes, Pebrero 27, 2024

Ang aklat ng mag-asawang mangangatha

ANG AKLAT NG MAG-ASAWANG MANGANGATHA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Araw ng mga Puso ngayong taon nang mabili ko ang aklat na ito, na nang mabasa ko ay doon ko lamang nalaman na mag-asawa pala sila ng higit limampung taon. Ang aklat na pinamagatang "2 - Tula: Manuel Principe Bautista, Sanaysay: Liwayway A. Arceo" ay nabili ko sa Popular Bookstore sa Tomas Morato sa Lungsod Quezon sa halagang P200.00. Inilathala ito ng University of the Philippines Press noong 1998. May sukat bna 5" x 8", na ang kapal ay 1/2", naglalaman ito ng kabuuang 224 pahina, kung saan ang 198 na pahina ang inilaan sa tula't sanaysay, habang 26 na pahina naman ang naka-Roman numeral kung saan naroon ang Nilalaman, Paunang Salita, Pasasalamat, at iba pa.

Narito ang pagpapakilala sa aklat na matutunghayan sa likod na pabalat:

"ANG AKLAT"

"Dalawang aklat sa isa: mga tula at sanaysay na pawang nalathala sa pang-araw-araw na Isyu (1995-1996), Ito ang 2 - mula sa dalawang premyadong manunulat na kapwa kolumnista sa nasabing pahayagan at ipinagmamalaki ang mayabong at malalim na mga ugat sa Tundo, Maynila."

"ANG MGA AWTOR"

"Sina MANUEL PRINCIPE BAUTISTA (1919-1996) at LIWAYWAY A. ARCEO (1924- ) ay magkatuwang din sa buhay, at bago yumao si MPB ay ipinagdiwang nila ang kanilang Gintong Anibersaryo ng kasal (31 Enero 1996). Si MPB, na higit na kilala sa pagiging makata, ay may nauna nang katipunan ng kanyang mga piling tula, Himig ng Sinag (1997). Samantala, si LAA, na malikhaing manunulat at may anim nang aklat ng malikhaing katha at ilan nang nobela, ay ito ang unang koleksyon ng sanaysay."

"Ang pagsusulat (mula noong 1935) ay bahagi lamang ng buhay ni MPB: 45 taon siyang kabilang sa isang bangko ng pamahalaan, una ay karaniwang kawani hanggang maging pinuno. Ang pagsusulat ay buong buhay ni LAA: 57 taon na siyang aktibong propoesyonal na manunulat, bukod sa pagiging editor."

"Ang paghahati nila sa buhay ay nagbunga ng anim na supling na pawang propesyonal - Florante, Isagani, Celia, Flerida, Ibarra, at Jayrizal. Ngunit ang bunso lamang ang sumunod sa kanilang mga yapak: kasalukuyang editor ng isang newsmagazine, bagamat sa Ingles. Ang puno ng kanilang pamilya ay maraming mabulas na sanga - 18 apo na propesyonal na ang tatlo at 3 apo sa tuhod."

Ang nagbigay ng Paunang Salita sa aklat ay ang premyado ring manunulat na si Ginoong Roberto T. Añonuevo.

Hinati ang nilalaman sa dalawang bahagi. Ang mga tula ni Manuel Principe Bautista, na naglalaman naman ng anim na hanay ng mga tula, na hinati sa mga sumusunod:
(1) Ang Makata - may limang tula
(2) Ang Makata, Sa Diyos - may tatlong tula
(3) Ang Makata, Sa Bayan - may walong tula
(4) Ang Makata, Sa Kapwa - may labindalawang tula
(5) Ang Makata, Sa Panahon - may limang tula
(6) Ang Makata, Sa Iba Pa - may siyam na tula

Sa kabuuan, may apatnapu't dalawang tula sa kalipunan si MPB.

Ang ikalawang bahagi naman ng aklat ay pawang mga Sanaysay ni LAA, na hinati naman sa mga sumusunod:
(1) Ang Babae Bilang Manunulat - may limang sanaysay
(2) Ang Babae Bilang Kaanak - may labindalawang sanaysay
(3) Ang Babae Bilang Inampon ng Diyos - may apat na sanaysay
(4) Ang Babae Bilang Tao at Tagamasid - may walong sanaysay
(5) Ang Babae Bilang Alagad ng Wika - may tatlong sanaysay

Sa kabuuan, may tatlumpu't dalawang sanaysay sa kalipunan si LAA.

Mabuti't natagpuan ko ang aklat na ito, dahil ang mga ganitong aklat ay bihira lang, at di basta matatagpuan sa karaniwang bilihan ng aklat. Kumbaga, klasiko ang aklat na ito ng mag-asawang manunulat. Nag-alay ako ng tula para sa kanila.

SA MAG-ASAWANG MANGANGATHA

tunay na pambihira ang ganitong aklat
ng mag-asawang makata at manunulat
klasiko na ito't panitikang panlahat
mga paksa'y pangmasa't kayang madalumat

kakaiba rin ang hagod ng kanyang tula
na binigyang saysay ang pagiging makata
sa mga sanaysay nama'y isinadiwa
kung ano ang babae bilang kanyang paksa

masasabi ko'y taospusong pagpupugay
sa makata't sa asawang mananalaysay
ang inyong pinamana'y pawang gintong lantay
para sa sunod na salinlahi't kalakbay

sa inyong dalawa, maraming salamat po
akda'y naisaaklat na't di maglalaho

02.27.2024

Linggo, Pebrero 25, 2024

Labintatlong pirasong pilak

LABINTATLONG PIRASONG PILAK

tatlumpung pirasong pilak ang natanggap ni Hudas
at hinagkan ang pinagtaksilan, ah, siya'y hangal
may labintatlong pirasong pilak naman ang aras
alay ng lalaki sa dilag sa kanilang kasal

alin nga ba ang malas: tatlumpu o labintatlo?
sa tatlumpung pirasong pilak, siya'y nagkanulô
sa labintatlong pirasong pilak, sambit pa'y "I Do"
tandang sa pagbibigkis nila, pag-ibig ay buô

noon, basta numero labintatlo ay malas na
ngayon, swerte pag inihandog sa iyong palanggâ
tatlumpu ba ang numero ng naghudas talaga
batay sa bilang ng pilak na paghalik pa'y sadyâ

paumanhin, napagkwentuhan nati'y matalisik
nang sa talasalitaan, aras ay nasaliksik

- gregoriovbituinjr.
02.25.2024

aras - labintatlong pirasong pilak na inihahandog ng lalaki sa babae sa kanilang kasal; mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.72
tugmaan - abab cdcd efef gg; ang may impit at walang impit, magkatulad man ang titik, ay hindi magkatugma

Biyernes, Pebrero 16, 2024

Nagigising ng madaling araw

NAGIGISING NG MADALING ARAW

nagigising ng madaling araw
ako nga'y naaalimpungatan
pagkat may paksang biglang lilitaw
na punong-puno ng katanungan

maralita ba'y kaawa-awa
pinagsasamantalahan lagi
ito'y lipunan ng manggagawa
subalit kaapiha'y masidhi

binubuhay nila ang lipunan
binubundat ang kapitalista
ang ganito ba'y makatarungan?
ah, bakit ba bulok ang sistema?

kayraming paksa pag nahihimbing
sa akin animo'y nanggigising

- gregoriovbituinjr.
02.16.2024

Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Happy civil wedding anniv, mahal ko

HAPPY CIVIL WEDDING ANNIV, MAHAL KO

oo, kinasal kami ng Araw ng mga Puso
kasabay ng limampu't walo pang magkasintahan
binasbasan ng alkalde, Araw ng mga Nguso
pagkat naghalikan sa nasabing kasalang bayan

happy wedding anniversary, mahal kong diwata
patuloy ang pagsinta ng irog mong mandirigma
patuloy man akong lingkod ng uring manggagawa
at sekretaryo heneral ng samahang dalita

di ako magpapabaya sa tahanan, O, irog
guminhawa man ang buhay o umaalog-alog
magsisikap tayo upang marating ang tugatog
ng tagumpay kahit ang araw natin ay lumubog

muli, Happy Civil Wedding Anniversary, mahal
bagamat pangunahing bilihin ay nagmamahal

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

Ang kyut na kuting

ANG KYUT NA KUTING

nabidyuhan muli ang kyut na kuting
na aking nasilayang bagong gising
kanina nga siya'y himbing na himbing
habang ako ay may kinukutinting

kampante, parang di ako nakita
o nais kinukunan ng kamera
para bang ikinatutuwa niya
na ako nama'y di nakagambala

baka siya'y may kung anong naisip
baka natandaan ang panaginip
tila di maunawa ang nalirip
buti't ginising ko't siya'y nasagip

O, alagang kuting, pahinga muna
mamaya na lang, maglalaro kita

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1475237340088784

Huwebes, Pebrero 8, 2024

Ulo ng tilapya

ULO NG TILAPYA

tuwang-tuwa ang kuting
sa ulo ng tilapya
kita kong gutom na rin
nang kinain ang isda

dapat lang mapakain
ang kuting na alaga
katawa'y palakasin
nang siya'y di manghina

pagngiyaw niya'y dinggin
gutom ma'y di halata
katulad ay ako rin
nagugutom ding pawa

sarap masdan ng kuting
kaysayang kumakain

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Miyerkules, Pebrero 7, 2024

Kandila

KANDILA

kagabi, kayrami naming nagsindi ng kandila
sa marker na malapit sa kinatumbahang sadya
sa tinuring na bayani ng uring manggagawa
kasama'y iba't ibang sektor, pawang maralita

humihiyaw ng hustisya ang mga talumpati
dahil wala pang hustisya sa bayani ng uri
"Hustisya kay Ka Popoy Lagman!" sigaw na masidhi
pati kandila'y lumuha, tila nagdalamhati

sinipat ko ang mga naroon, may kabataan
na di naabutang buhay ang pinararangalan
habang ang mga matatanda'y ikinwento naman
ang kanilang pinagsamahan, ang kabayanihan

tinitigan ko ang mga kandila, nauupos
hanggang nagsayawang apoy ay nawala, naubos

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...