Miyerkules, Mayo 29, 2024

Dalawang sagot sa palaisipan

DALAWANG SAGOT SA PALAISIPAN

tanong sa Pahalang ay Nota sa musika
tanong sa Pababa: Pangalan ng babae
ang sagot sa Pababa ay MINA o TINA
ang sagot naman sa Pahalang ay MI TI

parehong tama kahit ano ang isagot
baligtarin man ang Pahalang at Pababa
parehong tama kaya di ka manlalambot
sa ganyang kaiga-igayang larong diwa

ang ganito'y ngayon ko lamang naengkwentro
alinman sa dalawa ang iyong itugon
ay tumpak, makuha man ang sagot sa dyaryo
bukas ay walang alinlangang tama iyon

salamat sa anong sayang palaisipan
at diwa animo'y kinikiliti lamang

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

* 21 Pahalang at 21 Pababa
* palaisipan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 29, 2024, pahina 14

Paghahanda sa hapunan

PAGHAHANDA SA HAPUNAN

kahit mag-isa man sa tahanan
ay naghahanda rin ng hapunan
ganyan ang aktibistang Spartan
nasa isip lagi'y kalusugan

binili'y dalawang kilong bigas
kamatis at lata ng sadinas
sampung okra't dahon ng sibuyas
gulay na dapat lang pinipitas

nais ko sa hapunan may gulay
na maganda habang nagninilay
dapat loob ay napapalagay
upang makapag-isip na tunay

ulam upang diwa'y di maglaho
tarang kumain pag nakaluto

- gregoriovbituinjr.
05.29.2024

Huwebes, Mayo 23, 2024

Pagsagupa

PAGSAGUPA

Poetry should also contain steel and poets should know how to attack. ~ Ho Chi Minh

kabilin-bilinan ni Ho Chi Minh
na tila nagsalita sa akin
dapat mayroong bakal ang tula
at makata't alam sumagupa
si Ho Chi Minh, lider ng Vietnam,
na sa mga Kano ay lumaban
Amerika'y kanilang tinalo
nang sa laban ay sumuko ito
at bilang isang makatang tibak
handa akong gumapang sa lusak
at patuloy na nakikibaka
para sa karapata't hustisya
maitayo ang lipunang patas
umiral ay sistemang parehas

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* selfie ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani

Tarang maghapunan

TARANG MAGHAPUNAN

payak na hapunan ng tibak na Spartan
pais na bangus, dahon ng sibuyas, bawang,
pati kamatis, pampalakas ng katawan
mumurahin mang gulay, mabubusog naman

ganyan madalas pag mag-isa lang sa bahay
at di pa umuuwi ang mutyang maybahay
batid niyang hilig ko lang ay isda't gulay
na may bitamina at mineral na taglay

pag walang pagkilos, nagkukulong sa silid
magsusulat, magsusuri, may binabatid
sa mga isyu ng sektor ng sagigilid
nang tinig nila'y mapalakas, di maumid

payak man ang ulam, maghapunan ta ngayon
upang sa pagtulog, di makadamang gutom

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* litratong kuha ng makatang gala

Sinong pipigil sa matatandang nagmamahalan?

SINONG PIPIGIL SA MATATANDANG NAGMAMAHALAN?

kahit pa matatanda na sila'y nagmamahalan
ayon sa inilathala ng isang pahayagan
anang babae, mahirap daw mag-isa sa buhay
lalo't anak ay may kanya-kanyang pamilyang taglay

siya'y biyuda't tanging naiiwan sa tahanan
kaya nadarama'y kahungkagan at kalungkutan
hanggang sa kanya'y may balo rin namang nanliligaw
upang sumaya, dito'y may bukas na natatanaw

di ba't wala naman sa edad kung nais umibig
lalo na't ang puso sa isa't isa'y pumipintig
sa dalawang umiibig, sinong makapipigil
wala, kahit na sa edad, sila'y di pasisiil

muli, bigyan nila ng pagkakataon ang puso
na maranasang muli ang asukal ng pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
05.23.2024

* mula sa isang lathalain sa pahayagang Bulgar, 05.20.2024, p.9

Lunes, Mayo 20, 2024

Isusulat ko

ISUSULAT KO

isusulat ko'y kwentong kutsero
habang nakasakay sa kalesa
isusulat ko'y kwentong barbero
habang nagdadama sa barberya
isusulat ko anong totoo
ngunit ano ang katotohanan
isusulat ko anumang isyu't
mga usapin ng mamamayan
isusulat ko si Bonifacio
at ang naganap sa Katipunan
isusulat ko rin si Jacinto
at pamanang Kartilya sa bayan
isusulat ko'y tunay na kwento
ng manggagawa't ng sambayanan
ang isusulat ko'y samutsari
nang wala mang pag-aatubili

- gregoriovbituinjr.
05.20.2024

Huwebes, Mayo 16, 2024

Bagong balita

BAGONG BALITA

balita pa bang matatawag ang lumang balita?
o dapat bang bawat balita ay laging sariwa?
dapat bang mga balita'y maigsi o mahaba?
paano dapat mabilis ipabatid sa madla?

may kasabihan nga tayong "may pakpak ang balita,
may tainga ang lupa" ito man ay isyu ng dukha,
ng kawatan sa gobyerno, ng burgesyang kuhila,
ng aksidente, kamatayan, buhay ng dakila

iyang balita'y "history in a hurry", ika nga
anong nangyayari sa loob at labas ng bansa
kasaysayang isinusulat, inilalathala,
isinasahimpapawid, pasa-pasa sa madla

tiyakin lamang nating bawat balita ay tama
at di kumalat ang halibyong o pekeng balita

- gregoriovbituinjr.
05.16.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Linggo, Mayo 12, 2024

Palatambilang

PALATAMBILANG

palaisipan sa numero o palatambilang 
ang sa pahayagan ay lagi kong inaabangan
na bukod sa krosword, palatambilang ang libangan
tulad ng sudoku't aeitmerik na kainaman

umaga'y bibili agad ng diyaryo sa kanto
bago pa basahin ang tampok na ulat at isyu
kasabay ng pandesal sasagutin muna ito:
hanap-salita, krosword, aritmetik at sudoku

sa kabila ng social media, uso pa rin dine 
ang pamamayagpag ng diyaryo kong nabibili
tulad ng Pang-Masa, Bandera, Abante, Remate
na tinatawag minsang "literature in a hurry"

salamat sa palatambilang na may laang sigla
na tila arawang ehersisyo sa ating diwa

- gregoriovbituinjr.
05.12.2024

Lunes, Mayo 6, 2024

Tahong ang pananghalian

TAHONG ANG PANANGHALIAN

kaysarap niring pananghalian
na sa karinderya nabili lang
nilagang tahong ngayon ang ulam
na talaga namang malinamnam

sinabawang tahong na may talbos
na nabili kong sisenta pesos
pananghalian ko'y nakaraos
labinlimang tahong ang naubos

lumalabas, kwatro pesos isa
ng tahong, na sabaw pa'y malasa
di na mawawala sa panlasa
ang seafood na nakahiligan na

basta iwasan lang ang magkarne
katawan na'y parang minasahe

- gregoriovbituinjr.
05.06.2024

Linggo, Mayo 5, 2024

Maligayang ika-206 Kaarawan, Ka Karl Marx

HAPPY 206TH BIRTHDAY, KA KARL MARX

"The philosophers have only interpreted the world, in various ways. The point, however, is to change it." - Karl Marx

naglinaw ang mga palaisip
pinaliwanag lang ang daigdig
sa maraming paraan nilirip
ang punto'y baguhin ang daigdig

isa iyong kaygandang pamana
sa manggagawa't pilosopiya
baguhin ang bulok na sistema
upang hustisya'y kamtin ng masa

Karl Marx, maligayang kaarawan!
salamat sa wika mong tinuran
pamanang dapat naming gampanan
nang maging patas ang kalagayan

itayo'y sistemang makatao't
asam na lipunang sosyalismo

- gregoriovbituinjr.
05.05.2024

* litrato mula sa google

Huwebes, Mayo 2, 2024

Ulat sa Mayo Uno

ULAT SA MAYO UNO

sa apat na pangmasang pahayagang binili ko
dalawa lang ang nag-ulat hinggil sa Mayo Uno
sa mga nangyaring pagkilos ng uring obrero
habang ang iba'y hinggil sa pahayag ng pangulo

pagpupugay sa mga nagsilahok kahit saglit
sa rali ng uring manggagawa kahit mainit
karapatan nila bilang obrero'y iginiit
laban sa mapagsamantalang talagang kaylupit

sigaw: Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!
tunay na hukbong sa sistema'y nais kumawala
misyon ninyo sa daigdig ay talagang dakila
laban sa kapitalismong mapang-api't kuhila

mabuhay kayo, Manggagawa, mabuhay! Mabuhay!
sa inyo'y saludo, taaskamaong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
05.02.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Mayo 2, 2024, pahina 2
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Mayo 2, 2024, pahina 2

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...