Linggo, Hunyo 30, 2024

Buong buwan ang nasagutan

BUONG BUWAN ANG NASAGUTAN

Sudoku at Word Connect ay kinagiliwan
app game sa cellphone na laging sinasagutan
iniscreenshot ko ang ulat ng buong buwan
ng Hunyo ngayong taon bilang katunayan

pinakapahinga ko na ang mga game app
habang sa mga gawain puspusang ganap
subalit pag pulong na'y iba na ang gagap
kundi ang pagkilos sa lipunang pangarap

bukod pa riyan, aba'y mayroon ding krosword
sa mga binibiling pahayagang tabloid
na wikang Filipino'y itinataguyod
upang di naman sa kawalan nakatanghod

pagpupugay sa mga nag-imbento nito
upang may mapaglibangan ang mga tao

- gregoriovbituinjr.
06.30.2024

Miyerkules, Hunyo 26, 2024

Ang aklat ko't kamiseta

ANG AKLAT KO'T KAMISETA

mga akda ni Ka Popoy ay sinalibro
habang suot ang kamisetang may litrato
ni Lean Alejandro, pawang magigiting
na bayani ng masa't sadyang magagaling

sosyalistang sulatin ni Ka Popoy Lagman
sa aking aklatan ay muling natagpuan
sa The Great Lean Run noon kami'y dumalo't
nabigyan ng magandang kamisetang ito

libro't kamisetang kaytagal na sa akin
lalo't kayamanan na ring maituturing
ng mga kagaya kong tibak na Spartan
na tuloy ang pakikibaka sa lansangan

mga gamit itong naging inspirasyon na
sa pagkilos laban sa bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
06.26.2024

* pamagat ng aklat: "Ka Popoy: Notes from the Underground"
* tatak sa kamisetaL "The Great Lean Run - Step into his shoes, follow his footsteps"

Linggo, Hunyo 23, 2024

L at R

L AT R

wala raw R sa Tsino at wala raw L sa Hapon
kaya sa Japan, walang pulis at sundalo roon
subalit may puris at sundaro, iyon ang meron
na aming biruan nang kabataan namin noon

gayundin naman, kapag may naghahanap ng LIGHTER
ang Pinoy na mukhang Hapon, tanong ko agad: WRITER?
na pag sinabi niyang bilib siya't ako'y LEADER
baka ibig niyang sabihin, ako'y isang READER

kaya L at R minsan ay nagkakabaliktaran
na di Left and Right o Lighting Rally ang kahulugan
na sa usapan ay dapat nagkakaunawaan
kaya biruan man noon ay dapat mong malaman

sa L at R minsan ay natatawa na lang tayo
mahalaga ito'y nauunawaang totoo

- gregoriovbituinjr.
06.23.2024

Sabado, Hunyo 22, 2024

Kahulugan ng pagsinta

KAHULUGAN NG PAGSINTA

hinagilap kita noon sa diksyunaryo
kung ano ang kahulugan ng pag-ibig mo

hinahanap din kita sa bawat salita
kung kitang dalawa'y talagang magkatugma

sa glosaryo'y anong kahulugan ng puso?
hinarana pa kita ng buong pagsuyo

ah, kailangan ko ng talasalitaan
upang maunawaan bawat kahulugan

nag-unawaan ang dalawang umiibig
pagkat diksyunaryo'y puso kaya nagniig

pagkat bawat salita'y isang panunumpa
sa Kartilya ng Katipunan nakatala

kaya ang pag-ibig ko'y iyong iyo lamang
"mahal kita" ang sigaw kong pumailanlang

- gregoriovbituinjr.
06.22.2024

Biyernes, Hunyo 21, 2024

Balong

BALONG

sa Luneta, isa iyong balong
o fountain, tubig na pinasirit
habang may musikang tumutugtog
at napakakulay pa't marikit

saglit akong napatigil doon
upang magpahinga at magnilay
binidyuhan ang balong na iyon
na ilaw ay aliw na nagsayaw

sana doon sinta ko'y kasama
naglilibot kami't namamasyal
subalit kaylayo ng Luneta
upang isama't doon magtagal

sa balong ay napatitig ako
tubig ba'y naaksayang totoo?

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/sQTSEq7oHU/

Dapulak

DAPULAK

ang alam ko'y may salitang dapurak
nagpipiga ng katas sa pagtapak
habang sagot sa krosword ay dapulak
amag sa halaman pala ang linsyak!

dagdag sa nababatid na salita
at sa pag-unlad ng sariling wika
dapurak at dapulak, magkatugma
na sa pagtula'y talagang sariwa

mga katagang di agad mapansin
ngunit sadyang mahalaga sa atin
upang kaalaman ay paunlarin
at lumawig ang panitikan natin

muli, salamat sa palaisipan
umuunlad ang talasalitaan

- gregoriovbituinjr.
06.21.2024

dapulak - maliliit at puting funggus sa halaman at puno
dapurak - paulit-ulit na pagtapak ay pagpiga upang humiwalay ang katas sa tinatapakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 265
- palaisipan mula sa Pilipino Star Ngayon, Abril 28, 2024, p. 10

Lunes, Hunyo 17, 2024

Pahinga sa hapon

PAHINGA SA HAPON

umuulan na, maginaw, pahinga muna
sa hapon, hapong-hapo mula paglalaba
at sa samutsaring gawain sa kusina
upang makakain din ang buong pamilya

hapon, talukap ng mata'y papikit-pikit
habang si bunso sa ama'y nangangalabit
"Tulog na po tayo, Itay," ang kanyang hirit
habang si bunso sa bisig ko'y nangunyapit

radyo'y binuksan ko't musika'y pinakinggan
nagbabalita'y pasingit-singit din minsan
maya-maya, ito'y aking nakatulugan

ipinapahinga ang katawan sa hapon
nang may lakas upang magampanan ang misyon
at maya-maya lang, kami'y muling babangon

- gregoriovbituinjr.
06.17.2024

Huwebes, Hunyo 13, 2024

Tuyong dahon

TUYONG DAHON

pinapanatili ng tuyong dahon ang sayimsim
o halumigmig sa lupa, animo'y sinisimsim
ang alinsangan, marahil pati iyong panimdim
mamasa-masa ang lupa, alay ng puno'y lilim

pagkain din ng bulate ang mga tuyong dahon
na nalilikha'y vermi-compost na nakatutulong
sa paglago ng halaman, anong ganda ng layon
tuyong daho'y di basurang basta lang itatapon

tuyong dahon pa'y pataba pag nabaon sa lupa
kapaki-pakinabang pag sa kalikasan mula
upang puno't halaman ay magsilago't tumaba
pag ito'y namunga na, malaking tulong sa madla

matutuyo rin ang dahon pagdating ng panahon
ngunit sa lupa pala'y may magandang nilalayon

- gregoriovbituinjr.
06.13.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng Quezon Memorial Circle, Hunyo 12, 2024

* Ang nakasulat sa karatulang kinunan ng litrato ng makatang gala ay:

ALAM MO BA? Na ang tuyong dahon ay:

- Pinapanatili ang moisture sa lupa na tumutulong para ma-absorb ng halaman

- Ginagawang pagkain ng bulate upang makagawa ng vermi-compost na nakakatulong sa paglago ng halaman

- Hindi ito tinatapon bilang basura, bagkus, maaari itong mapakinabangan para maging pataba sa lupa

- Ang mga nalagas na tuyong dahon ay nakakatulong din sa pagpapanatili ng malamig na temperatura sa kapaligiran lalo sa panahon ng tag-init

- Naiiwasan ang pagdami ng damo sa lupa

* "Ang circle ay para sa ating lahat, mahalin at pangalagaan natin ito."

Biyernes, Hunyo 7, 2024

Pag-uwi

PAG-UWI

nahihimbing si muning
nang ako ay dumating
habang aking binuklat
ang nabili kong aklat

nagbasa-basa muna
nang may maalaala
kinuha ang kwaderno
agad nagsulat ako

isa munang taludtod
dahil lapis na'y pudpod
natapos ko ang saknong
ngunit kayraming tanong

paano aakdain
ang bawat simulain
na habang nagninilay
asam ko'y magtagumpay

nang alaga'y magising
binigyan ng pagkain
ako'y napatingala
at may bago nang paksa

- gregoriovbituinjr.
06.07.2024

Huwebes, Hunyo 6, 2024

Ginisang sardinas

GINISANG SARDINAS

niluto ko na naman / ay ginisang sardinas
na sinahog ko'y bawang, / kamatis at sibuyas
pagkain ng mahirap, / kinakain kong wagas
na habang nangangarap / ng lipunang parehas
ay nawiwili namang / makisalo madalas

sa katoto't kasamang / gaya ko'y maralita
kasama sa lansangan / ng uring manggagawa
kami'y nakikibaka / habang kinakalinga
ang kapwa mahihirap / na sangkahig, santuka

ginisang sardinas man / ang aming inuulam 
saya ng kalooba'y / sadyang mararamdaman
habang nagkakaisang / itatayo ang asam
ang magandang sistema't / makataong lipunan

-gregoriovbituinjr.
06.06.2024

*mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/swTjeGQ1Cn/ 

Miyerkules, Hunyo 5, 2024

Pananghalian

PANANGHALIAN

kamatis, pipino't sibuyas ang pananghalian
habang ang inumin ko naman ay nilagang bawang
nagtitipid na'y nagpapalakas pa ng katawan
iwas-karne, at habang walang isda'y gulay naman

mabuti ngang kalusugan pa rin ang nasa isip
bagamat maraming suliranin ang halukipkip
lagi mang sa putik nakatapak ay nalilirip
ang mga pagkilos naming marami ring nahagip

ah, payak na pananghalian ngunit pawang gulay
busog ka na, diwa't kalooban mo pa'y palagay
mabuting pampalusog habang dito'y nagninilay
upang makapagsulat ng kwento, tula't sanaysay

tara, mga katoto, at ako'y saluhan ninyo
tulad ko'y tinitiyak kong mabubusog din kayo

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

Martes, Hunyo 4, 2024

Halik

HALIK

paano daw hagkan ang sinisinta?
idikit ang labi sa labi niya!
inyong pusong magkausap tuwina
at inyong damdamin ang mapagpasya

halik ba'y patungkol lang sa pagdampi
ng labi mo sa anumang bahagi
ng katawan ng iyong sintang mithi
na dama mo'y pag-ibig na masidhi

sa tahanan pag dumating ang mahal
o saang lugar nagtagpo't dumatal
pupupugin ng halik na kaytagal
maging asam ninyong pagsinta'y bawal

O, halik, halika sa aking tabi
ako'y pupugin sa noo ko't pisngi

- gregoriovbituinjr.
06.04.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Linggo, Hunyo 2, 2024

Anaan, pakakak at umok

ANAAN, PAKAKAK AT UMOK

sa isang palaisipan, kayrami kong nawatas
aba'y UMOK pala ang tawag sa uod ng bigas
ANAAN naman ay punongkahoy na balingasay
nang sa isang diksyunaryo'y saliksikin kong tunay
dati ko nang alam na ang tambuli ay PAKAKAK
na batay sa mga ninuno'y gamit na palasak
iyan ang matitingkad na salita kong nabatid
mula sa krosword sa puso't diwa'y galak ang hatid
habang may mga salitang dati nang nasasagot
na sa palaisipan din naman natin nahugot
ang ALALAWA ay gagamba, SOLAR ay bakuran
TALAMPAS naman ay kapatagan sa kabundukan
salamat, muli'y may natutunang bagong salita
na magagamit natin sa pagkukwento't pagtula

- gregoriovbituinjr.
06.02.2024

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 2, 2024, p.10
anaan - balingasay, punungkahoy (Buchanania arborescens), mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.50 at p.112
pakakak - malaking kabibe na hinihipan at ginagamit na panghudyat, UPDF, p.884
umok - maliliit na uod na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng masamang amoy ng bigas o tinapay, UPDF, p.1301

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...