Lunes, Setyembre 30, 2024

Magkakulay ay pagdugtungin

MAGKAKULAY AY PAGDUGTUNGIN

makukulay na bilog ay pakatitigan
at magkaparehong kulay ay pagdugtungin
animo'y napakapayak ng panuntunan
laro ng lohika kung pakaiisipin

ito ngayon ang kinagigiliwang laro
matapos magtrabaho nitong abang lingkod
pinakapahinga na kapag hapong hapo
sa maghapong tila kalabaw kung kumayod

pag tumunganga sa kisame'y magninilay
dudurugin ang utak sa maraming paksa
paano nga ba bawat tula'y maging tulay
upang dinggin ng pamahalaan ang dukha

kayhusay mo kapag kulay ay napagdugtong
na tandang mapanuri ka, listo't marunong

- gregoriovbituinjr.
09.30.2024

* mula sa app game na Dot Line

Lunes, Setyembre 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING

tulad ni Caloy Yulo, nakadalawang ginto rin
si Lovely Inan sa sinalihan niyang weightlifting
ayon sa ulat, nauna si Angeline Colonia
na makakuha rin ng dalawang gintong medalya

animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas
ng Olympic gold medalist na si Hidylin Diaz
aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan
ang ating mga Olympian sa nasabing larangan

Lovely Inan at Angeline Colonia, pagpupugay
sa napili ninyong larangan ay magpakahusay
sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon
kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon

maraming salamat sa inyong inambag sa bansa
kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12

Lunes, Setyembre 16, 2024

Pinoy cue artist 'Bad Koi' Chua, Kampyon sa World 9-Ball Tour

PINOY CUE ARTIST 'BAD KOI' CHUA, KAMPYON SA WORLD 9-BALL TOUR

Congratulations kay Johann Chua
nang sa bilyar ay tinalo niya
ang Taiwanese, iskor, 13-1 pa
noong Biyernes sa Shanghai, China

sinundan sina Rubilen Amit
at Carlo Biado sa nakamit
na tagumpay at bansa'y binitbit
kasaysaya'y kanilang inukit

tatlong Pinoy world champion sa 9-ball
ngayong taon ng twenty-twenty four
sino pang sa kanila'y hahabol?
streak bang ito'y sinong puputol?

pagpupugay, mabuhay ka, Bad Koi
ang tagumpay mo'y ipagpatuloy

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 15, 2024, p.12

Linggo, Setyembre 15, 2024

Ayaw kumain sa plato

AYAW KUMAIN SA PLATO

nilagay ko na nga sa plato ang kanyang pagkain
ilalabas pa sa plato't sa sahig kakainin
kaya nga may plato upang doon siya kumain
subalit di sanay magplato ang alaga namin

ganyan din ang ibang pusang dumadalaw sa bahay
para bang sanay silang pagkain ay tinatangay
kaya ba ayaw nilang magplato, di sila sanay
dahil pagkain, hinahagis lang ng kapitbahay

buti't marunong manghingi itong aming alaga
ngiyaw lang ng ngiyaw at mangangalabit sa hita
babahaginan ko na siya ng tira sa isda

ganyan lamang ang pamumuhay namin sa tahanan
animo'y pasko, punong-puno ng pagbibigayan
ang mahalaga'y nakakaalpas sa kagutuman

- gregoriovbituinjr.
09.15.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/uCEBIcZtNm/ 

Biyernes, Setyembre 13, 2024

Pagbaka sa kaplastikan

PAGBAKA SA KAPLASTIKAN

tadtad ng plastik sa basurahan
sa kalupaan, sa karagatan
ngunit tadtad din ng kaplastikan
sa pulitika't pamahalaan

kinain ng isda'y microplastic
na sa tiyan nila'y sumisiksik
mata kaya natin ay tumirik
pag kinain ang isdang may plastik?

kayraming kaplastikan sa mundo
na di pa malutas ng gobyerno
kayraming plastik na trapo't tuso
plastik ba ang lilipol sa tao?

tara nang maghanap ng solusyon
sa kaplastikan ba'y anong tugon?

- gregoriovbituinjr.
09.13.2024

Linggo, Setyembre 8, 2024

Nagpa-selfie sa pugante

NAGPA-SELFIE SA PUGANTE

animo'y sikat na artista ang pugante
gayong doon pa sa ibang bansa nahuli
pagdating sa bansa'y agad na nagpa-selfie
ang mga opisyal sa puganteng nasabi

walang masama kung sikat itong artista
subalit pugante ang kanilang nakuha
nahuli ng mga pulis ng Indonesia
na di nahuli ng ating pulis talaga

tulad ng ibang wanted na nalitratuhan
pag sa midya'y pinahayag sa taumbayan
ngunit ito'y iba, nahuli'y pakyut naman
mga opisyal ay nakangiti, tila fan

gayunman, paalala, siya'y isang takas
na dapat managot sa ilalim ng batas

- gregoriovbituinjr.
09.08.2024

* ulat mula sa SunStar Philippines at pahayagang Pang-Masa, Setyembre 7, 2024

Biyernes, Setyembre 6, 2024

Maligayang kaarawan, Inay

MALIGAYANG KAARAWAN, INAY

pagbati po ng maligayang kaarawan, Inay
sa pagmamahal mo'y taospusong pasasalamat
sa mga nagawa sa mga anak, pagpupugay
dahil kami'y pinalaki at iningatang lahat

mula sa sinapupunan, kami'y inalagaan
pinakain, pinag-aral, at minahal nang lubos
ginagabayan, pinapayuhan, pinangaralan
nasa aming tabi hanggang kami'y makapagtapos

salamat pong taos sa inyong pagpapakasakit
upang kami'y mapanuto hanggang kami'y lumaki
ikaw sa puso namin ay lalaging nakaukit
ina po kayong tunay naming pinagmamalaki

muli, Inay, Mommy, Mama, Nanay, Happy Birthday po
binabati po namin kayo ng buong pagsuyo

- junjun at libay
09.06.2024

Huwebes, Setyembre 5, 2024

8-anyos, wagi ng 9 na medalya sa swimming

8-ANYOS, WAGI NG 9 NA MEDALYA SA SWIMMING

isang magandang bukas yaong ating matatanaw
sa napakabata pang si Ethan Joseph Parungao
limang gold, tatlong silver, isang bronze, kanyang nakamtan
sa isang paligsahan sa swimming sa Bangkok, Thailand

aba'y nasa edad walo pa lang, siya'y nanalo
karangalan sa bansa ang tagumpay niyang ito
Grade 3 student ng Notre Dame of Greater Manila
na naiuwi sa swimming ang siyam na medalya

ang ating masasabi'y taasnoong pagpupugay
kay Ethan Joseph Parungao, mabuhay ka! Mabuhay!
pangalan niya'y mauukit na sa kasaysayan
bilang bagong dugong atletang dapat alagaan

ipagpatuloy mo, Ethan, ang magandang simula
isa ka sa future sa Olympics ng ating bansa

- gregoriovbituinjr.
09.05.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante, Setyembre 4, 2024, pahina 8

Miyerkules, Setyembre 4, 2024

Tula, tuli, tulo

TULA, TULI, TULO

tula ang tulay ko sa sambayanan
upang sila'y aking mapaglingkuran
tula'y tulay ng puso ko't isipan
sa asam na makataong lipunan

magpapatuli ang aking pamangkin
tama lang at nagbibinata na rin
boses niya'y nag-iba na pag dinggin
tila makata rin pag pabigkasin

nagbagyo, atip ay maraming tulo
ang suportang kahoy na'y nagagato
buti't kisame'y di pa gumuguho
bumabaon sa dibdib ang siphayo

minsan, salita'y nilalarong pilit
buti't dila'y di nagkakapilipit

- gregoriovbituinjr.
09.04.2024

* litrato mula sa app game na Zen word level 308 at level 522

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...