Lunes, Nobyembre 25, 2024

No right turn, di agad makita

NO RIGHT TURN, DI AGAD MAKITA

natatakpan ng haligi ang karatula
"no right turn on red signal", di agad makita
buti kung ang drayber ay mabilis ang mata
sa kanan ay di agad liliko talaga

wala bang ginawa ang mga awtoridad
upang karatula'y iwasto at ilantad
habang trapik ay patuloy na umuusad
paumanhin kung ito'y napuna't nilahad

habang napadaan sa isang interseksyon
ay nakunan ko lamang ng litrato iyon
paglabas ng ospital nang madaan doon
ngunit di ko na tanda ang lugar na iyon

ang nasabing karatula sana'y ayusin
ipwesto ng tama kung saan mapapansin

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

* litrato ng makatang gala sa isang intersekyong di niya kabisado

Tabletas

TABLETAS

kailangan ng tabletas
na ipainom kay misis
sa noo ko'y mababakas
ang kanyang ipinagtiis

alas-sais ng umaga
tabletas na'y iinumin
pagkatanghali'y meron pa
hapon hanggang takipsilim

tuloy ang pangangalaga
kahit na kulang ang tulog
mahalaga'y may magawa
nang si misis ay lumusog

sana'y bumuti ang lagay
at lumakas siyang tunay

- gregoriovbituinjr.
11.25.2024

Linggo, Nobyembre 17, 2024

Dagdag dugo muli

DAGDAG DUGO MULI

mababa na naman ang kanyang hemoglobin 
di pa abot ng otso, nasa syete pa rin
dapat ay dose, ang normal na hemoglobin 
kaya isang bag pa ng dugo'y isinalin

pandalawampu't limang araw namin doon
sa ospital, at nagninilay pa rin ngayon 
bakit ba laging mababa ang antas niyon
kaya ngayon, muling ginawa'y blood transfusion 

umaasa pa ring gagaling din si misis
mula sa sakit niyang kaytagal tiniis
problemang kinakaya kahit labis-labis
animo'y tinik sa dibdib na di maalis

kalagayan ni misis nawa'y bumuti na
at hemoglobin niya'y mag-normal na sana

- gregoriovbituinjr.
11.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/vVGAOey08J/ 

Sabado, Nobyembre 16, 2024

Laro sa app game ng selpon

LARO SA APP NG SELPON

habang nagbabantay sa ospital 
sa selpon ay naglalaro ng app
nang di mainip o matigagal
madaling araw o gabing ganap

pinaglalaro muna ang isip
di makatulog, nais humimbing
kung anu-ano ang nalilirip
na nais tulain habang gising

nagninilay habang naglalaro
habang minsan ay nakatulala
sa laro't utang ba'y mahahango
isipin anong dapat magawa 

at pag may nanilay sa maghapon
ay tiyak may tulang laan doon 

- gregoriovbituinjr.
11.16.2024

* litrato mula sa app game na Twisted Rope, Level 29

Lunes, Nobyembre 11, 2024

Congrats, Aielle Aguilar, Edad 7

CONGRATS, AIELLE AGUILAR, EDAD 7

pagpupugay kay Aleia Aielle Aguilar
na nagwagi sa World Jiu-jitsu Festival
sa Abu Dhabi, siya'y edad pito pa lang
naging kampyon, pinakita ang kahusayan

siya ang pinakabatang three-time world champion
talagang ginapi ang nakalaban doon
sa Kids 2-Gray Belt ay wala nang nakalaban
kaya umakyat sa mas mabigat na timbang

anang ulat, mula labingsiyam na kilo
ay umakyat ng tatlong kilo at tinalo
ang mga kalaban at ganap na inangkin
ang ikatlong titulong pandaigdigan din

kaya sa batang kampyon, halina't magpugay
na sa kanyang larangan ay napakahusay

- gregoriovbituinjr.
11.11.2024

* ulat at litrato mula sa pahayagang Abante, Nobyembre 11, 2024, pahina 11

Huwebes, Nobyembre 7, 2024

Babantayan kita magdamag

BABANTAYAN KITA MAGDAMAG

mahal ko, ako'y narito lang
upang punan ang pagmamahal
di man ngayon makapaglibang
dahil narito sa ospital

gagawin ko ang makakaya
kahit ikaw ay nahihimbing
patuloy pa ring umaasa
na ikaw talaga'y gagaling

habang nariyang nakaratay
tandaang naririto ako
hindi magsasawang magbantay
sa ospital para sa iyo

nawa'y lalagi kang matatag
nang gumaling na't mapanatag

- gregoriovbituinjr.
11.07.2024

Lunes, Nobyembre 4, 2024

Na-redtag sa ospital

NA-REDTAG SA OSPITAL

akala ko'y sa pulitikal na gawain lamang
maaaring ma-redtag, pati pala sa ospital
pag halagang kalahati'y di agad nabayaran
iyan ang naranasan namin nang dito'y tumagal

pag redtag ka, lahat ng gamot ay bibilhin mo na
kahit madaling araw ay gigising ka talaga
paano kung disoras ka maghahanap ng pera
upang makabili ng kailangan sa parmasya

isa itong karanasang sadyang masalimuot
lalo't pakiramdam ko'y para bang binabangungot
lalo't mister ng pasyente'y tibak na walang sahod

napupuyat, walang tulog maghapon at magdamag
sa kalagayan ni misis dapat magpakatatag
lalo't hanggang dito sa ospital pa'y nare-redtag

- gregoriovbituinjr.
11.04.2024

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...