Sabado, Disyembre 28, 2024

Dalawang 13-anyos na Nene

DALAWANG 13-ANYOS NA NENE

dalawang Nene na parehong trese anyos
ay biktima sa magkahiwalay na ulat
isa'y nadale ng 5-star sa daliri
isa'y ginahasa matapos mangaroling 

nagkataon lang trese anyos ang dalawa
edad nga ba ng kainosentehan nila?
sinapit nila'y kalunos-lunos talaga
magba-Bagong Taon silang di nagsasaya

wala sa edad iyan? baka nagkataon?
pagtingin ko ba'y isa lang ispekulasyon?
"Kaiingat kayo!" ang siyang bilin noon
ng bayaning halos kinalimutan ngayon

tunay na kaylungkot ng Bagong Taon nila
isa'y naputukan, isa'y nagahasa pa

- gregoriovbituinjr.
12.28.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 28 Disyembre 2024, pahina 8 at 9

Biyernes, Disyembre 27, 2024

Pagdalaw sa Bilibid

PAGDALAW SA BILIBID

sinamahan ko ang MAG - Medical Action Group
at iba pa sa human rights organization
tulad ng staff ng PAHRA, Task Force Detainees
at dalawa kami sa XD Initiative

taon-taon na namin itong ginagawa
para sa mga umaasam nang paglaya
tuwing sasapit ang panahong kapaskuhan
at magbigay ng konting pangangailangan

ang samahan sila sa dakilang layunin
ay nasa aking diwa, puso't saloobin
lalo't napiit ay bilanggong pulitikal
na naroroon sa Bilibid nang kaytagal

mabuti't muling nakasama ngayong taon
upang aming magawa yaong nilalayon

- gregoriovbituinjr.
12.27.2024

* litratong kuha bago pumasok sa Bilibid, 27 Disyembre 2024, bawal ipasok sa loob ang selpon, iniwan namin ito sa sasakyan
* PAHRA - Philippine Alliance of Human Rights Advocates
* XDI - Ex-Political Detainees Initiative 

Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Nabuhat nila'y 25 medalya

NABUHAT NILA'Y 25 MEDALYA

sa Doha, mga Pinoy weightlifter ay nagpakitang gilas
sa kumpetisyong nilahukan, husay nila'y pinamalas
dalawampu't limang medalya'y binuhat ng malalakas
na mga atletang tila nagmana kay Hidilyn Diaz

Congratulations sa mga Pinoy weightlifter na binitbit
ang bandila ng bansa at maraming medalyang nakamit
limang ginto, sampung pilak at sampung tanso ang nasungkit
sa paligsahang pagbuhat, pinakita nila'y kaylupit

sa youth division, nasa pangatlong pwesto ang ating bansa
habang sa junior division, panglimang pwesto tayong sadya
ang isports sa Pilipinas ay sadyang binibigyang sigla
ng bagong henerasyon ng atletang di basta magiba

sa mga Pinoy weightlifter sa Qatar, mabuhay! Mabuhay!
muli, congrats sa inyo! isang taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.25.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 24, 2024, p.12

Linggo, Disyembre 22, 2024

Kaysarap ng tulog ni alaga

KAYSARAP NG TULOG NI ALAGA

nakita niya ang munting kahon
at iyon ang kanyang tinulugan
marahil nga'y napagod maghapon
hinigaa'y pinagpahingahan

simpleng buhay lamang si alaga
na sa bahay na naninirahan
simpleng buhay din akong makata
na abala lagi sa tugmaan

madalas, matapos kong kumain
ngingiyaw siya't mangangalabit
bibigyan siya ng makakain
pag busog na'y di na humihirit

kay alaga, maraming salamat
mga daga'y nagpulasang lahat

- gregoriovbituinjr.
12.22.2024

Biyernes, Disyembre 20, 2024

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker: 

APOLINARIO MABINI y MARANAN
23 July 1864 - 13 May 1903

Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon."

Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024.

Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

APOLINARIO MABINI

isa sa ating mga bayani
si Gat Apolinario Mabini
mula sa lalawigang Batangas
bayaning tanyag sa Pilipinas
siya'y tagapayo ng pangulo,
at gumampan ding punong ministro
kinatha'y mga alituntunin
ng unang Saligang Batas natin
siya'y "Dakilang Paralitiko"
tinatawag ding "Dakilang Lumpo"
kilalang "Utak ng Rebolusyon"
sa kasaysayan ng ating nasyon
kay Mabini, Mabuhay! Mabuhay!
taospuso kaming nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Martes, Disyembre 17, 2024

Paskil sa sahig ng traysikel

PASKIL SA SAHIG NG TRAYSIKEL

may abiso sa sahig ng traysikel
kong sinakyan: "Bawal manigarilyo"
tagos sa puso't diwa'y umukilkil
kahit sa makatang di nagbibisyo

kundi ang magsulat ng kwento't tula
minsan paksa'y yaong nasa hinagap
bisyo'y pagninilay at tumingala
sa kisame o kaya'y alapaap

anong masasabi ng nagyoyosi
na may paalala doon sa sahig
tunay iyong mahalagang mensahe
ipinaskil ang di maisatinig

salamat at may paalalang ganyan
habang patungo sa paroroonan

- gregoriovbituinjr.
12.17.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/wwAHJD8msl/ 

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...