Linggo, Pebrero 23, 2025

Ikatlong kampyonato, nakuha ni Django

IKATLONG KAMPYONATO, NAKUHA NI DJANGO

ngayong taon nga'y tatlong beses nang nagkampyon
sa larong bilyar si Francisco Bustamante
mabuhay ka, Django, sa nakamit mong iyon
mahigit sandaang katunggali'y nadale

unang panalo'y Bayou State Classic One-Ball
One Pocket sa Louisiana, ang sunod ay
sa Las Vegas, sa Jay Swanson Memorial Nine-ball
ikatlo'y sa One Pocket Face-Off nagtagumpay

Congrats, Django, sa binigay mong karangalan
sa bansa, tulad ng kumpare mong si Efren
"Bata" Reyes, na ang taguri'y "The Magician"
kahusayan ninyo'y dapat naming tanghalin

taasnoong pagpupugay sa iyo, Django
hari ka ng bilyar at tunay na idolo

- gregoriovbituinjr.
02.23.2025

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Pebrero 23, 2025, p.12

Miyerkules, Pebrero 5, 2025

Pananghalian

PANANGHALIAN

payak lang ang pananghalian
ginisang sardinas na naman
pagkain ng nagmamakata
matapos magmuni't tumula

kahit papaano'y nabusog
sa ulam na may konting sahog
na kamatis, bawang, sibuyas
upang katawan ko'y lumakas

tara, kain tayo, katoto
ulam ko man ay di adobo
mabuti't may pagkaing sapat
na dapat ipagpasalamat

ginisang sardinas mang ulam
ngunit sadyang nakatatakam

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Lunes, Pebrero 3, 2025

Mas makapal ang balat ng trapo

MAS MAKAPAL ANG BALAT NG TRAPO

kaytinding banat ni Pooroy sa komiks
siya'y para ring environmentalist
endangered na raw ang mga buwaya
ngunit corrupt politicians ay di pa

balat daw ng buwaya ay makapal
magandang pangsapatos, magtatagal
mas maganda raw ang balat ng trapo
mas makapal, di pa endangered ito

kung babasahin mo'y pulos patama
di lang patawa, mayroong adhika
ang masapol kung sinong masasapol
marahil pati sistemang masahol

natawa man tayo ngunit mabigat
totoo sa buhay ang kanyang banat

- gregoriovbituinjr.
02.03.2025

* mula sa pahayagang Remate, Pebrero 3, 2025, p.3

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...