Sabado, Oktubre 25, 2025

Itlog at okra sa inin-in

ITLOG AT OKRA SA ININ-IN

bago tuluyang main-in ang kanin
isinapaw ko ang apat na okra
at naglagay ng puwang sa inin-in
upang doon itlog ay lutuin pa

ang kawali'y di na kinailangan
upang mapagprituhan nitong itlog
okra'y in-in na ang pinaglagaan
sa hapunan ay kaysarap na handog

anong laking tipid pa sa hugasin
isapaw lang, aba'y ayos na ito
sa buhay na payak, may uulamin
pag sikmura'y kumalam na totoo

mga katoto, tarang maghapunan
ulam sana'y inyong pagpasensyahan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Wala man sa toreng garing ang makatâ

WALA MAN SA TORENG GARING ANG MAKATÂ minsan, may gabing di na siya kumakain di pa dahil sa kawalan ng kaperahan kundi mas masarap pang pagni...