Sabado, Pebrero 28, 2026

Talbos ng sibuyas

TALBOS NG SIBUYAS

bente pesos ang tatlong piraso
ng nabiling talbos ng sibuyas
mayaman sa Bitamina A, C,
K, at fiber o hibla, mabuti
at pampalakas ng immune system
nagpapabuti rin ng panunaw
at nagpapatibay rin ng buto

sagana rin daw sa antioxidant
tumutulong bumaba ang presyon
ng kolesterol, at mayroon ding
anti-inflammatory properties
na anong inam para sa puso
at pangkalahatang kalusugan

kaya itong talbos ng sibuyas
ay inuulam ko't pampalakas

- gregoriovbituinjr.
02.28.2026

* datos mula sa google

Martes, Pebrero 24, 2026

Makatâ

MAKATÂ

kaming mga makatâ
mangangathâ ng tulâ
at samutsaring akdâ
kayraming parikalâ
at mga talinghagà
alay namin sa madlâ

sakaling di palagay
sa naganap sa búhay
ang tula'y aming tulay
sa kabilâ ng lumbay

sa tulâ binabaling
ang isyung tumitining
na sa diwa'y nagsupling
sa tulang aming sining

- gregoriovbituinjr
02.24.2026
(Pebrero ay Buwan ng Sining)

Lunes, Pebrero 23, 2026

Mouses

MOUSES

sa nilalaro ko sa selpon na Word Connect
may isang sagot na tsamba't di ko maisip
pagkat sumulpot doon ang salitang MOUSES
gayong tamang plural ng MOUSE ay MICE, di MOUSES
parang plural ng HOUSE ay di HICE, kundi HOUSES

anong uring Ingles ang MOUSES makikita
o wala na ba talagang maisip sila
kayraming salitang pang-Word Connect talaga
ngunit ang isang ito'y nakapagtataka
di batid kung salitang ito'y ginamit na

ngunit patuloy pa rin akong naglalarô
ng Word Connect pag nagpapahinga o hapô
mabuti sa kalusugan ko't di siphayò
dahil nakagaganda sa isip ko't pusò

- gregoriovbituinjr.
02.23.2026

Linggo, Pebrero 22, 2026

Tatlong libreto ng tulâ sa tatlong taon

3 LIBRETO NG TUL SA 3 TAON
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula 2006 ay nakapaglathala na ako ng mga aklat. Una na ang 60-pahinang "Ningas-Bao". At huli kong gawang nasaksihan ni misis na nalathala ay ang 24-pahinang libretong "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" noong Pebrero 2020. Siya ang nagdisenyo ng cover o pabalat ng aklat. Apat na taon pa ang nakalipas bago nakapaglabas muli ng aklat ang inyong lingkod. Ang tema'y hinggil sa mga napapanahong isyu o usapin sa lipunan.

Ang huli kong aklat na ginawa noong nabubuhay pa si misis ay ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino" kung saan ang pagsasalin ng tula sa aklat na ito'y sinimulan noong Oktubre 1, 2024, na sana’y tuloy-tuloy sa buong Oktubre, at abutin ng Nobyembre 29 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People. Bawat araw ay may isang tulang isinalin.

Subalit natigil ito noong Oktubre 23, 2024 dahil si misis ay isinugod sa ospital dahil sa pananakit ng kanyang tiyan. Nakita na ang kanyang sakit ay venous thrombosis o blood clot. Sinasabi ng mga doktor na rare case daw ang kay misis dahil bihira raw ang kasong blood clot sa bituka. Kahit nasa ospital kami ni misis ay nakikiisa pa rin ako (o kami) sa laban ng mga Palestino upang lumaya sila sa kuko ng mga buhong na sumakop sa kanilang bansa.

Ito ang huling aklat na proyekto namin ni misis bago siya nawala nitong Hunyo 11, 2025. Kaya napaka-espesyal ng aklat na ito sa akin.

Subalit ang aklat na ito'y di nailunsad noong Nobyembre 29, 2024 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People, sapagkat nasa ospital pa kami noong panahong iyon. Nailunsad lang ang aklat sa rali sa Liwasang Bonifacio sa Maynila noong Nobyembre 29, 2025 para sa International Day in Solidarity with the Palestinian People.

Sunod na libreto kong nalathala ay ang 40-pahinang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" na inihanda para sa Disyembre 9 - International Anti-Corruption Day. Dahil sa matinding korapsyon sa ating bansa, kumatha rin ako ng mga tula laban sa mga kurakot. Inilathala ko ito at inilunsad naman sa Multimedia Room ng Commission on Human Rights noong Disyembre 9, 2025.

Sumunod na libretong inilabas ko'y ang 40-pahinang "Tula't Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan" para naman sa Pebrero 20 - World Day of Social Justice. Hinggil naman ito sa maraming isyung nananawagan ng katarungan.

Kaya mula 2024 ay taun-taon na akong naglalathala ng mga munti kong aklat ng mga tula.

Batid kong walang pera sa tula, bagamat kaysipag kong kumatha ng tula bawat araw. Kung ang isang tula ko'y P100 at nakakagawa ako ng dalawang tula o higit pa sa isang araw, 2 tula x P100 isang araw equals P200, P200 x 7 araw sa isang linggo equals P1,400, P1,400 sa apat na linggo sa isang buwan equals P5,600 sa isang buwan (28 araw) o P200 x 30 araw equals P6,000 kada buwan. Subalit sinong bibili ng tula sa isang araw? Maliban kung may koneksyon ka sa arawang pahayagang naglalathala ng iyong tula bawat araw. Subalit wala.

Kaya nagpasiya akong ilathala ang aking mga tula bilang munting libro o libreto upang kahit paano ay mapakinabangan ko ang mga tula sa pambili ko ng pang-araw-araw na pangangailangan, tulad ng bigas, isda, gulay, at pamasahe.

ANG MGA MUNTI KONG AKLAT NG MGA TULÂ

paano ba kikita ang biyudo
kundi maglabas ng sariling libro

ng mga tulâ, lalo't na't pultaym
na kumikilos para sa bayan

narito ang nalathala kong aklat
na panlipunan ang tema't pamagat:

"Malayang salin ng mga Tulâ
ng mga Makatang Palestino"

ang sumunod na nagawa ko ngayon
"Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon"

nariyan pa'y "Tula't Panawagan
para sa Hustisyang Panlipunan"

nawa ito'y tangkilikin ng madlâ
nang kumita rin ang abang makatâ

02.22.2026 

Huwebes, Pebrero 12, 2026

Ang aklat ng 34 na kwento ni H. G. Wells

ANG AKLAT NG 34 NA KWENTO NI H. G. WELLS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katulad ng manunulat na Pranses na si Jules Verne ay kilala rin ang manunulat na Ingles na si Herbert George Wells sa mundo ng science fiction. Mayroon na ako ng mga aklat ni Verne, tulad ng  Journey to the Center of the Earth, Twenty Thousand Leagues Under the Seas, at Around the World in Eighty Days. Subalit wala pa akong kalipunan ng mga maikling kwento ni Verne.

Kaya nang makita ko ang aklat na The Crystal Egg & Other Stories ni H. G. Wells ay di na ako nagdalawang isip na bilhin iyon sa Book Sale sa Farmers Plaza, kaninang hapon, Pebrero 12, 2026. Bihira ang ganitong pagkakataon. Gayunman, mayroon na ako ng ilang klasikong nobela ni H. G. Wells, tulad ng The Time Machine, at The War of the Worlds. Habang napanood ko naman sa sinehan ang kanyang nobelang The Island of Doctor Moreau, at napanood sa telebisyon ang kanyang The Invisible Man

Nabili ko ang nasabing aklat sa halagang P240. Pambili ko sana iyon ng limang kilong bigas na tig-50 ang kilos, subalit hindi ko pinalampas ang pagkakataong bilhin ang aklat. Sanay naman akong mag-fasting, huwag lang palagi.

Umabot din ang aklat ng 480 pahina (30 pahina ang naka-Roman numeral, habang 450 pahina naman ang naka-Hindu Arabic numeral. Ang aklat ay may sukat na 5" x 7.75" at kapal na 1". Naglalaman iyon ng tatlumpu't apat na kwento.

bihira ko lang makita sa mga book store
itong kalipunan ng maiikling kwento
ni H. G. Wells kaya binili ko na ngayon
bago pa mawala't maunahan pa ako

tiyak na marami akong matututunan
sa kanyang sinulat na mga science fiction,
dystopian novel, at social realism man
di dapat palampasin ang pagkakataon

pambili ng bigas, ibinili ng libro
inuna'y aklat, imbes na lamnan ang tiyan
ganyan yata talaga ang mga tulad ko
sanay nang mag-fasting, basta't utak malamnan

nawa ako'y makapagsulat pa talaga
di lang ng mga tulâ kundi ng nobela

02.12.2026

Namang at Namin, ina-autocorrect sa 'Naming"

NAMANG AT NAMIN, INA-AUTOCORRECT SA 'NAMING'
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naging maingat na akong bantayan ang biglaang pagbabago ng salitâ dahil sa auto-correct sa Microsoft Word na madalas kong gamitin.

Kayâ bukod sa aking mga kwaderno kung saan madalas akong kumathâ o nagsusulat, iyon naman ay tinitipa ko na sa Notepad, hindi na sa Word, upang hindi agad ma-auto-correct ng kompyuter. Ina-auto-correct kasi ng Word sa Ingles ang mga salita sa wikang Filipino, kayâ nasasabi ko tuloy madalas, naga-auto-wrong na naman ang kompyuter, na kung ngitian ko lang sa simulâ ay kinaiinisan ko na kalaunan.

Kayâ bago ko i-upload ang isang sanaysay, kwento o tulâ ay tinitiyak kong wasto ang pagbaybay o spelling ng mga salitâ. Dahil pag may nakita akong mali ay pinag-uukulan ko talaga ng panahon upang i-edit ang maling pagbaybay.

Isa sa mga halimbawà ng mga salitâ ay ang "namang" at ang "namin" na ina-auto-correct at nagiging "naming" o ginagawang Ingles ang salitâ. Nakakaasar, kaya dapat ka talagang maging mapagmatyag pag Word ang gamit mo.

Sa Notepad sa laptop ay di binabago ang mga salitâ kayâ iyon ang madalas kong gamitin. Subalit ang Notepad sa cellphone, dati'y hindi naga-auto-correct, subalit ngayon ay naga-auto-correct na.

Naranasan ko ito noon nang dinala ko sa printing press ang isang ilalathalang diyaryong Obrero, higit isang dekada na ang nakararaan. Nakita ko ang isang kamalian sa artikulo ko na nasa plate, nang mabasa kong "Matapos ang talumpati sa rali, agad naming niyakap ni KR..." Mukhang dalawa kaming yumakap sa nagtalumpati, gayong siya lang ang yumakap.

Gayong ang isinulat ko sa orihinal ay "Matapos ang talumpati sa rali, agad namang niyakap ni KR..." Kaya inayos agad ng stripper ang nasabing plate, ginupit ng cutter ang mali, inayos, at nilagyan ng scatch tape. Di pa uso noon ang CTP (computer to plate). Bago kasi i-layout sa pagemaker na gamit namin noon ay tinitipa mula sa Word ang mga artikulo. At pag dinala mo na sa printing press 'yung ni-layout mo, ipaplakda na iyon sa plate o sa master stencil. Buti may CTP na ngayon, kaya mas madali na ang printing.

Noon pa'y ina-autocorrect na ng Word ang mga salitâ. Kaya kung hindi ka matalas mag-edit ng sarili mong gawâ, aba'y baka malathalâ na lang ang kamalian at hindi mo na iyon maedit. Kayhirap namang iisa-isahin mong i-correct ang isang libong kopya ng dyaryo.

WIKANG FILIPINO, INA-AUTOCORRECT SA INGLES

akala ng Microsoft Windows, typo error
o maling spelling o baybay ng salitâ
gayong tinitipa ko'y nasa Filipino
ina-autocorrect, akala'y Ingles iyon

kayâ dapat maging mapagmatyag din tayo
sa kompyuter o sa cellphone man isinulat
na bago i-upload, i-edit mong totoo
baka may makalusot na mali, nalingat

mahirap nang i-edit pag nalathalà na
halimbawa, sa magasin o pahayagan
buti kung nasa pesbuk o sa blog mong sadyâ
maeedit mo pa't mali'y mapapalitan

ganyan lang naman talaga ang autocorrect
makulit, kaya dapat talasan ang edit

02.12.2026

Miyerkules, Pebrero 11, 2026

Salamat sa aklat ng tulâ, kamakatâ

SALAMAT SA AKLAT NG TULÂ, KAMAKATÂ

salamat sa aklat ng tulâ, kamakatâ
dahil sa Buwan ng Sining, nagkitang sadyâ
sa isang pagtatanghal, pagbigkas ng tulâ
patuloy sa sining, daanan man ng sigwâ

animo'y pitong parang ang aking sinuyod
habang parang kalabaw akong kumakayod;
ang aklat mong "Sa Pinakaubod ng Lugod"
ay binabasa ko, sa trabaho ma'y pagod

tulang nalathalà sa libro'y labing-apat
kahanga-hangang sa pagtula'y naging tapat
kayâ bigyan ka ng gawad ay nararapat
dapat ka lang tanghaling makatâ ng lahat

mabuhay ka, Glen Sales, at ang iyong libro!
taos akong nagpupugay, ako'y saludo!

- gregoriovbituinjr.
02.11.2026

* kuha sa Bahay Tsinoy nang bumigkas ng tulâ ang mga kasapi ng Angono 3/7 Poetry Society, kasabay ng Pasinaya 2026, at doon ay binigyan ako ng makatang Glen Sales ng sipi ng kanyang aklat ng mga tulâ
* una kaming nagkasama ng makatang Glen Sales sa grupong KAUSAP (Kapatirang Umuugnay sa Sining at Panitikan)

Sa ika-8 death monthsary ni misis

SA IKA-8 DEATH MONTHSARY NI MISIS

pag a-Onse ng buwan na'y dumatal
ginugunita kita, aking mahal
naroon ka na sa kamay na banal
at ako'y patuloy na nagmamahal

naaalala ko ang iyong ngiti
ang mukhang maaliwalas na iwi
ang kayganda't nangungusap mong lábi
ang magaganda mong mga daliri

ang iyong kaisipan at talino
ang paglalambingan nating totoo
subalit wala ka na, O, sinta ko
tititig na lang sa iyong litrato

sa kabilâ ng dalamhati't lumbay
inaalala kita, sintang tunay

- gregoriovbituinjr.
02.11.2026

Martes, Pebrero 10, 2026

Batang edad 9, patay sa gulpi

BATANG EDAD 9, PATAY SA GULPI

karumaldumal, karima-rimarim
yaong sinapit ng magkakapatid
sa kamay ng di kilalang salarin
ang búhay ng bunso'y agad napatid

ang ina'y O F.W. sa Saudi
at sa Bacolod, ang ama'y obrero
tuwing Sabado lang nakakauwi
walang kasama sa bahay ang tatlo

ang búhay na saksi'y pawang sugatan
buti't ibang kapatid pa'y nabuhay
anang pulis, di naman ninakawan
may gálit ba ang suspek na pumatay?

nawa katarungan ay kamtin nila
para sa magkakapatid, HUSTISYA!

- gregoriovbituinjr.
02.10.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 9, 2026, tampok na balità (headline) at pahina 2

Biyernes, Pebrero 6, 2026

Sa ikaanim na Black Friday Protest ng 2026

SA IKAANIM NA BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

unang Biyernes ng Pebrero, wala pa ring
nakulong na malalaking isdâ o pating
ito nga'y isang malaking alalahanin
baka kurakot ay patuloy sa gawain

paano pa ba mapapanagot ng bayan
ang sangkatutak na kurakot at kawatan
na buwis ng bayan ang pinagdiskitahan
kayâ di maayos ang serbisyo sa tanan

ay, dapat nang baguhin ang sistemang bulok
at ibagsak ang mga pulitikong bugok
kahit matalinong trapo'y nagiging hayok
sa bilyon-bilyong buwis at pondo sa tuktok

dapat nang wakasan ang bulok na sistema
kayâ, O, Bayan, dapat na tayong mag-alsa

- gregoriovbituinjr.
02.06.2026

* kuha sa tapat ng UP Oblation at sa Bahay ng Alumni, 02.06.2026

Martes, Pebrero 3, 2026

Pagkathà ng soneto

PAGKATHÂ NG SONETO

isang hámon sa mga tulad ko
ang muling pagkathâ ng soneto
salamat sa imbitasyon dito
upang magbahagi ng likhâ ko

ako'y isang Bituin sa lupà
palakad-lalad, pagalà-galà
nilalanghap ang hanging sariwà
sa polusyong kaysakit sa bagà

narito sa magubat na lungsod
nagdaralita, kayod nang kayod
mabuti't may tulang humahagod
upang guminhawa yaring likod

salamat, O, Batute't Balagtas
kayo sa tulâ ko'y mababakas

- gregoriovbituinjr.
02.03.2026

Lunes, Pebrero 2, 2026

Nakatulog sa pagod si alagà

NAKATULOG SA PAGOD SI ALAGÀ

nakita kong natutulog na sa gamit ko
si alagang kaytagal nawalâ sa bahay
mukhang pagod at nakatulog agad ito
na kung pagmasdan mo'y tila di mapalagay

gamit kong pawang mga tambak na diyaryo
habang nakasalansan yaong mga aklat
baka siya'y nananaginip ng adobo
o kaya'y tulingan o sapsap na pinangat

dumating siya habang pusikit ang dilim
minsan, umuuwi ring walang halukipkip
madaling araw na, ako'y tutulog na rin
at muling kakatha ng nasa panaginip

buti't siya'y di naguguluhan tulad ko
na di malaman anong sisimulang kwento

- gregoriovbituinjr.
02.02.2026

Wala man sa toreng garing ang makatâ

WALA MAN SA TORENG GARING ANG MAKATÂ minsan, may gabing di na siya kumakain di pa dahil sa kawalan ng kaperahan kundi mas masarap pang pagni...