Sabado, Disyembre 27, 2025

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE

natutunan ko sa isang palaisipan
na sa internet pala'y kayraming search engine
lalo't mananaliksik kang may hinahanap
mga impormasyong dapat mabasa man din

nariyan ang Rambler, Infospace, Blekko, Yahoo,
Altavista, Gigablast, Webopedia, Blingo,
Yandex, Google, Dogpile, Naver, Lycos, Otalo,
Excite, Hotbot, Mamma, Yippy, Iwon, Mahalo

samutsaring makina sa pananaliksik
Yahoo at Google lang ang madalas kong gamit
ang iba'y susubukan kong may pagkasabik
lalo't may hinahanap ako't hinihirit

salamat at may Word Search o Hanap Salità
at ganitong datos ay nahanap kong biglâ

- gregoriovbituinjr.
12.27.2025

Hayaan n'yong magkwento ako

HAYAAN N'YONG MAGKWENTO AKO

hayaan n'yong magkwento ako sa bawat sandali
pagkat pagkukwento naman ay di minamadali
salaysay ng mga nangyari, dinanas at sanhi
hanggang itanong sa sarili, anong aking mithi?
bakit mga trapong kurakot masamâ ang budhi?

ang Paskong tuyó ba'y pagtitiis lamang sa tuyó
may letson nga subalit ang buhay ay nanunuyô
pagkat walâ na ang tanging pagsintang sinusuyò
kahit tahakin ko man ang ilaya hanggang hulô
di ko na batid kung paano tupdin ang pangakò

hayaan n'yong makathâ ko pa ang nobelang nais
upang kamtin ang asam na tagumpay na matamis
sa kabilâ ng mga naranasang pagtitiis
hanggang aking matipunong katawan ay numipis

- gregoriovbituinjr.
12.25.2025

Sabado, Disyembre 20, 2025

Bawal mapagod

BAWAL MAPAGOD

bawal mapagod ang diwà, puso't katawan
magpahinga pa rin ng madalas at minsan
habang naghahanda sa matitinding laban
sa pagsulat at pagkilos para sa bayan

matulog tayo ng walong oras, ang sabi
payò ng matatanda'y sundin araw-gabi
walong basong tubig ang inuming mabuti
katawa'y ipahinga kahit super-busy

minsan, hatinggabi'y gising pa't nagsusulat
nang musa ng panitik ay naritong sukat
antok ako'y di na pinigilang magmulat
upang likhain ang tulang may tugma't sukat

O, Musa ng Panitik, diwa ko't diwatà
pagkat likhang tula'y aking tulay sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
12.20.2025

Huwebes, Disyembre 18, 2025

Naglalakad pa rin sa kawalan

NAGLALAKAD PA RIN SA KAWALAN

nakatitig lamang ako sa kalangitan
tilà tulalâ pa rin doon sa lansangan
parang si Samwel Bilibit, lakad ng lakad
sa pagkawalâ ni misis, di makausad

lalo na't magpa-Pasko't magba-Bagong Taon
wala pa ring malaking isdang nakukulong
aba'y baka walâ pang limang daang piso
ang aking Noche Buena pagkat nagsosolo

isang kilong bigas, limampung pisong tuyô
malunggay, bawang, sibuyas, kamatis, toyò
walang ham, isang Red Horse, at matutulog na
iyan ang plano ng makatang nag-iisa

lakad ng lakad, nag-eehersisyo man din
pag-uwi ng bahay, hihiga na't hihimbing

- gregoriovbituinjr.
12.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/17zo5Ba6Rw/ 

Martes, Disyembre 16, 2025

Pagpupugay at pasasalamat, CHR!

PAGPUPUGAY AT PASASALAMAT, CHR!

natanggap ko ang backback ng Biyernes
sa isang forum para sa C.S.O.
may sertipiko pa't payong ng Martes
sabay ng araw ng Lunsad-Aklat ko

may tatak na C.H.R. at islogan
ang backpack at payong na ibinigay
na "Naglilingkod Maging Sino Ka Man"
nag-isip niyon ay napakahusay

kaylalim ng tungkuling ipagtanggol
natin bawat karapatang pantao
sa anumang paglabag tayo'y tutol
pagkat karapatan nati'y sagrado

sa C.H.R., maraming salamat po!
pagpupugay itong mula sa puso!

- gregoriovbituinjr.
12.16.2025

Lunes, Disyembre 15, 2025

Taospusong pasasalamat sa tshirt

TAOSPUSONG PASASALAMAT SA TSHIRT

tinanong muna ako ng isang kasama
kung anong size ng tshirt ko, medium, sagot ko
sunod na tanong niya, ako ba'y lalahok
sa rali o pagkilos patungong Mendiola

sabi ko'y oo, di ako pwedeng mag-absent
lalo't sa Araw ng Karapatang Pantao
doon ay nagkita kami't kanyang binigay
ang tshirt hinggil sa karapatang pantao

lubos at taospusong nagpapasalamat
ang abang makata sa tshirt na natanggap
tshirt man iyon ngunit nakapagmumulat
ako'y binigyang halaga't di nalimutan

sa iyo, kasama, salamat, pagpupugay
nawa ang katulad mo'y dumami pang tunay

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

Gutom na kayâ ngumiyaw sa pintô

GUTOM NA KAYÂ NGUMIYAW SA PINTÔ

pusa'y marunong din palang kumatok
upang mabigyan siya ng pagkain
pusang galâ siyang nadama'y gutom
batid din niya paano tumayming

kauuwi ko lang kasi ng bahay
galing sa labas, may inasikaso
pagod, balak kong magpahingang tunay
saka na harapin ang dokumento

paano ko nga ba matatanggihan
ang pusang galang nahuli'y bubuwit
minsang ako'y nagising sa higaan
isang gabing ang ulo ko'y masakit

at binigyan ko siya ng galunggong
sana'y makabusog sa kanya iyon

- gregoriovbituinjr.
12.15.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/1HB3cAYtt2/

Huwebes, Nobyembre 27, 2025

Panalo nga ba?

PANALO NGA BA?

nakasulat: "Lahat ng pack, panalo!"
sa baba: "Smoking causes foot gangrene"
kaya ang tanong: tunay bang panalo?
ang ad ay kabalintunaan man din

sa kabila, "ang paninigarilyo
ay sanhi ng pagkaagnas ng paa"
ngunit sabi'y "Lahat ng pack, panalo'"
sa agnas na paa'y panalo nga ba?"

kabalintunaan ang patalastas
di ka talaga panalo sa ganyan
ngunit dahil negosyante'y malakas
balintuna man, pinagtutubuan

binibilog na ang ulo ng madlâ
subalit ito'y tila balewalâ

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Sampung pisong buko

SAMPUNG PISONG BUKO

buti na lang, may sampung pisong buko
na araw-araw ay naiinom ko
imbes na soft drinks, lambanog o kape
sampung pisong buko pa'y mas maigi

pagkat pampalakas na ng katawan
ay mabuti pa sa puso't isipan
tubig ng buhay at nakabubuhay
lunas sa karamdaman, pangingimay

sampung pisong buko, napakamura
nagtitinda nito'y kapwa mahirap
h'wag sanang kunin ng kapitalista
baka dukha'y malugi sa sang-iglap

sampung pisong buko'y ating inumin
at magandang kalusugan ay kamtin

- gregoriovbituinjr.
11.27.2025

Linggo, Nobyembre 23, 2025

Ako ma'y isang tinig sa ilang

AKO MA'Y ISANG TINIG SA ILANG

ako'y isa raw tinig sa ilang
walang nakikinig, tila hunghang
kayraming tao sa kalunsuran 
ay tila ba nasa kaparangan 
salitâ nang salitâ nang gising
tulâ ng tulâ ay nanggigising
ng mga tulog na kaisipan
ng mga himbing pa sa higaan
sumisigaw laban sa kurakot
na di napapakinggan ng buktot
na trapo, burgesya, dinastiya,
tusong kuhilà, oligarkiya
nananatiling tinig sa ilang
ang makatang di pinakikinggan 

- gregoriovbituinjr.
11.23.2025

Huwebes, Oktubre 30, 2025

Payak na hapunan ng tibak na Spartan

PAYAK NA HAPUNAN NG TIBAK NA SPARTAN

sibuyas, kamatis at bawang pinagsama
habang tuyong hawot ay ipinirito pa
payak na hapunan ng tibak na Spartan
na nag-iisa na lang sa abang tahanan

nagsaing muna, sunod ay ang paglalaba
at naglinis din sa tinahanan ng sinta
nagkusot, nagbanlaw, labada'y pinigaan
niluto'y hawot pagkagaling sa sampayan

simpleng pamumuhay lang kasama ng masa
simpleng pagkain lang habang nakikibaka
simpleng tulâ lang ang alay sa santinakpan
simpleng buhay lang na handog sa sambayanan

tara, mga katoto, saluhan n'yo ako
sa payak mang hapunan ay magsalo-salo

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Kandilà

KANDILÀ

nagpakita / ang kandilà / sa palengke
nagparamdam / kayâ agad / kong binili
tila sinta / sa akin ay / may mensahe
h'wag daw akong / sa lansangan / magpagabi

taospusong / pasalamat / yaring alay
nadama ko / ang pagsinta / niyang tunay
may trabaho / o sa bahay / nagninilay
tila ngiti / niya'y aking / nasisilay

mamaya nga'y / magsisindi / ng kandilà
paggunita / sa maagang / pagkawalâ
ng asawang / laging nasa / puso't diwà
hanggang ngayon / nariritong / nagluluksâ

ngayong undas, / pag-alala'y / mahalaga
ako'y balo / na't walâ nang / kaparehâ

- gregoriovbituinjr.
10 30.2025

Sa pagtulâ

SA PAGTULÂ

di ko dineklarang bawat araw may tulâ
bagamat iyon na ang aking ginagawâ
inilalarawan ang samutsaring paksâ
saya, rimarim, libog, luha, lupâ, luksâ

maralita, kabataan, vendor, obrero
kababaihan, batà, magbubukid, tayo
pagtulâ na kasi'y pinakapahinga ko
mula tambak na gawain, laksang trabaho

tulâ ng tulâ, sulat ng sulat ng sulat
nagbabakasakaling ang masa'y mamulat
kumilos laban sa mga nangungulimbat
ng pondo ng bayan, mga korap na bundat

ako'y tutulâ ng nasa diwa't damdamin
tula'y tulay sa pagtulong sa bayan natin

- gregoriovbituinjr.
10.30.2025

Linggo, Oktubre 26, 2025

Ginisang sardinas na may malunggay


GINISANG SARDINAS NA MAY MALUNGGAY

may dalawang sanga ng malunggay
at may isang lata ng sardinas
tiyak na namang ako'y didighay
muling gaganahan at lalakas

may kamatis, bawang at sibuyas
nilagay ang kawali sa kalan
sabaw ay unab o hugas-bigas
kalan ay akin nang sinindihan

nilagyan ng kaunting mantikà
sibuyas at bawang na'y ginisa
pati kamatis at sardinas ngâ
unab, malunggay, pinaghalo na

tara, katoto, saluhan ako
tiyak, masasarapan ka rito

- gregoriovbituinjr.
10.26.2025

Sabado, Oktubre 25, 2025

Itlog at okra sa inin-in

ITLOG AT OKRA SA ININ-IN

bago tuluyang main-in ang kanin
isinapaw ko ang apat na okra
at naglagay ng puwang sa inin-in
upang doon itlog ay lutuin pa

ang kawali'y di na kinailangan
upang mapagprituhan nitong itlog
okra'y in-in na ang pinaglagaan
sa hapunan ay kaysarap na handog

anong laking tipid pa sa hugasin
isapaw lang, aba'y ayos na ito
sa buhay na payak, may uulamin
pag sikmura'y kumalam na totoo

mga katoto, tarang maghapunan
ulam sana'y inyong pagpasensyahan

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Pandesal, salabat at malunggay tea

PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA

payak lamang ang aking inalmusal
malunggay tea, salabat at pandesal
sa iwing resistensya'y pampatagal
sa takbuhan, di ka agad hihingal

ngunit mamaya, mahabang lakaran
tungo sa mahalagang dadaluhan
dapat may pampalakas ng katawan
at pampatibay ng puso't isipan

anupa't kaysarap magmuni-muni
pag nag-almusal, nagiging maliksi
ang kilos, susulat pang araw-gabi
ng akdang sa diwa'y di maiwaksi

tarang mag-almusal, mga katoto
pagpasensyahan lang kung konti ito

- gregoriovbituinjr.
10.25.2025

Huwebes, Oktubre 23, 2025

Payabat at Arô

PAYABAT AT ARÔ

sa Anim Pababâ: Pangingitlog ng isdâ
at sa Labing-isa Pahalang: Munting bilog
ay, di ko batid ang gayong mga salitâ
tila baga kaylalim ng pananagalog

sinagot agad ang Pahalang at Pababâ 
hanggang lumabas na kung anong tamang tugon
PAYABAT pala ang pangingitlog ng isdâ
at ARÔ ang maliit na bilog na iyon

dagdag kaalaman sa wikang Filipino
na dapat kong itaguyod bilang makatâ
na nais kong ibahagi kahit kanino
upang mapaunlad pa ang sariling wikà

maraming salamat sa PAYABAT at ARÔ
mga katagang kay-ilap na tila gintô

- gregoriovbituinjr.
10.23.2025

* krosword mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Oktubre 23, 2025, p 10
* Payabat in English: Definition of the Tagalog word payabat 

Sabado, Oktubre 11, 2025

Ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo

ANG TAONG PINILI MO, KAYSAKIT PAG NAWALA SA IYO
(Sa ikaapat na DEATH Monthsary ni misis)

ang taong pinili mo, kaysakit pag nawala sa iyo
pinili ko ang aking asawa, pinili niya ako
sumumpâ sa mayor, sa tribu, sa altar, sa kasaysayan
na magsasama sa ginhawa, hirap, saya't kalungkutan

kumpara sa magulang at kapatid, mas ramdam ang sakit
pag nawala ang minamahal mo't sinamahan sa gipit
kaysa mga taong kinagisnan ngunit di mo pinili
na minahal mo rin ngunit marahil di gayon kahapdi

ipagpaumanhin, iyan ay sarili ko lang pananaw
nami-miss ko siya't di mapagkatulog sa gabi't araw
tunay ngang ibang-iba ang kapangyarihan ng pag-ibig
napapanaginipan ko pa ang maganda niyang tinig

sa rali nga'y mandirigmang Spartan akong nakatayô
na sa pag-iisa, lumuluha ako't nakatalungkô

- gregoriovbituinjr.
10.11.2025

Biyernes, Oktubre 10, 2025

Mga gurô ang nasa headline ngayon




MGA GURÔ ANG NASA HEADLINE NGAYON

pawang mga gurô ang headline ngayong araw
sa dalawang diyaryo, gurong dapat tanglaw
magkaibang balitang karima-rimarim
mga suspek ay gurô, biktima'y gurô rin

sa una, dalawang guro'y nangmolestiya
ng mga estudyante, dalawa'y buntis na
sa ikalawa, guro't syota ay nagtalo
dahil daw sa nakawalang alagang aso

bunga nito'y pinaslang ng tibô ang gurô
yaong balat at tinalupan ay naghalò
pawang mga balitang di mo maiisip
dahil pag guro'y respeto agad ang lirip 

hustisya sa mga biktima nawa'y kamtin
at mga suspek ay madakip at litisin

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

* mga ulat mula sa pahayagang Abante Tonite at Pang-Masa, Oktubre 10, 2025, p.1 at 2

Gulay sa hapunan

GULAY SA HAPUNAN

iwas-karne at mag-bedyetaryan
pulos gulay muna sa hapunan
ganyan ang buhay ng badyetaryan
batay sa badyet ang inuulam

sa katawan natin pampalakas
ang mga gulay, wala mang gatas
may okra, kamatis at sibuyas
pulos gulay na'y aking nawatas

iyan ang madalas kong manilay
upang kalamnan nati'y tumibay
payo rin ito ng aking nanay
kaya kalooban ko'y palagay

sa hapunan, ako'y saluhan n'yo
at tiyak, gaganahan din kayo

- gregoriovbituinjr.
10.10.2025

Huwebes, Oktubre 9, 2025

Oktubre 9 sa kasaysayan

OKTUBRE 9 SA KASAYSAYAN

pinaslang ang rebolusyonaryong si Che Guevara
taga-Argentina, pinatay sa bansang Bolivia

unang pinatugtog sa radio sa buong daigdig
ang awiting Imagine ni John Lennon ay narinig

isang lupon ang tinatag ng mga mambabatas
upang akdain ang Konstitusyon ng Pilipinas

itinatag ang paaralang Yale University
at nagdiborsyo sina Elvis at Priscilla Presley

ang sewing machine ni Singer ay naimbento naman
at lumindol sa Pakistan, India, Afghanistan

bansang Cambodia naman ay naging Khmer Republic
ang mga nabanggit, sa kasaysayan natititik

magkakaibang taon, magkakaibang balita
na sa petsa Oktubre Nuwebe nangyaring sadya

- gregoriovbituinjr.
10.09.2025

* pinagbatayan ay mula sa pahayagang Pang-Masa, Oktubre 9, 2025, pahina 4

Miyerkules, Oktubre 8, 2025

Sa tambayan

SA TAMBAYAN

nasa Fiesta Carnival muli ako, O, sinta
doon sa dati, sa tinatambayan ko madalas
muling kumakatha habang naaalala kita
tayo'y nag-usap anong panonooring palabas

oo, madalas, doon mo ako pinupuntahan
agad magkukwento ka pagkagaling sa trabaho
kaytamis ng ngiti mo't agad akong susulyapan
habang ako nama'y nakikinig sa iyong kwento

ako'y nag-iisa na lang sa Fiesta Carnival
habang inaalagata ang nakaraan natin
habang doon sa tabi-tabi ay nagmiminindal
aba'y anong sarap pa ng ating mga kutkutin

hanggang dito na lang muna, O, diwata ko't irog
nagunita ka lang ng pusong nagkalasog-lasog

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025

Mukhang Senior na kasi si Junior

MUKHANG SENIOR NA KASI SI JUNIOR

sa dulo ng ngalan ko'y may Junior
aba'y mukha na raw akong Senior
kaya pamasahe imbes kinse
sa minibus, singil nila'y dose

bago mag-Senior, ilang taon pa
ngunit nangalahating siglo na
aba'y dapat wala pang diskwento
ngayon, meron na't ubanin ako

salamat naman at nakatipid
ang mula sektor ng sagigilid
kung may Senior I.D., di nagtanong
na sana'y masasagot ko iyon

di pa ako Senior, sasabihin
ko't diskwento'y tiyak babawiin

- gregoriovbituinjr.
10.08.2025

Biyernes, Oktubre 3, 2025

Imbis iprito ang itlog, isapaw sa iniinin

IMBIS IPRITO ANG ITLOG, ISAPAW SA INIININ

imbis iprito ang itlog
isapaw sa iniinin
wala nang mantikang sahog
sasarap pa itong kain

payak na diskarte lamang
nakatipid pang totoo
sa paggamit nitong kalan
o kuryente sa luto mo

sapaw-sapaw lang sa kanin
at may uulamin ka na
walang hirap na lutuin
parang sinapaw na okra

salamat sa inyong payò
nakatipid, walang luhò

- gregoriovbituinjr.
10.03.2025

* may munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/16FsVaYcnw/ 

Biyernes, Setyembre 12, 2025

Palakad-lakad sa kawalan

PALAKAD-LAKAD SA KAWALAN

palakad-lakad lang ang makatang tulala
bagamat nakaiiwas sa mga baha
palakad-lakad, maganda raw ehersisyo
sabi ng mga atletang nakausap ko

palakad-lakad man subalit nagninilay
pinaglilimian ang mga bagay-bagay
buti't di nahuhulog sa manhole o kanal
palakad-lakad bagamat natitigagal

ang makatang palakad-lakad sa kawalan
kung matulin pag natinik ay malaliman
ika nga ng kasabihan ng matatanda
kaya sa paglalakad, huwag matulala

salamat, salamat sa inyong mga payo
upang lakad ay diretso, di biglang liko

- gregoriovbituinjr.
09.10.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19mEmf13aZ/ 

Miyerkules, Agosto 27, 2025

Soneto sa PANTHER

SONETO SA PANTHER

Participation - lumalahok ang bawat kasapian
Accountability - bawat isa'y may pananagutan
Non-discrimination - walang sinuman ang naiiwan
Transparency - walang tinatago sa masa't samahan
Human dignity - paggalang sa dignidad ng sinuman
Empowerment - pagsakapangyarihan ng mamamayan 
Rule of law - iginagalang ang mga batas ng bayan

Pagpaplano ng samahan upang kamtin ang layunin
Ay ginagawa ng seryoso't pananagutan natin
Nangangarap ng makataong lipunang dapat kamtin
Tagumpay ng samahan ay lagi nating iisipin
Habang hindi pinababayaan ang pamilya natin
Edukasyon ng bawat kasapi ay ating planuhin
Respeto sa batas at sa bawat isa'y ating gawin

- gregoriovbituinjr.
08.27.2025

* ang soneto ay tulang may sukat at tugma, at binubuo ng 14 pantig bawat taludtod
* ang PANTHER ay isa sa mga prinsipyo ng karapatang pantao

Lunes, Agosto 11, 2025

Litisin si Lustay

LITISIN SI LUSTAY

ang sigaw ng marami: Impeach Lustay!
hustisya sa taumbayan ang hiyaw!
panawagan sa S.C.: Impeach Lustay!
ayaw namin kung bise'y nagnanakaw!

bakit ebidensya'y di ipakita
na nais mabatid ng taumbayan
kayrami nang salaping ibinulsa
mula sa buwis at kaban ng bayan

bigyan pa rin ng due process si Lustay
di tulad ng pinaslang o tinokhang
walang due process, kinitil ang buhay
karapatang pantao'y di ginalang

sana'y makinig ang Korte Suprema
at Senado: Impeach Lustay, Ngayon Na!

- gregoriovbituinjr.
08.11.2025

Miyerkules, Hulyo 23, 2025

Pinikpikan sa pang-apatnapung araw

PINIKPIKAN SA PANG-APATNAPUNG ARAW

nagpinikpikan habang inalala
ng angkan ang pang-apatnapung araw
ng pagkawala ng aking asawa
habang ramdam ko pa rin ay mapanglaw

isa nang tradisyon ang pinikpikan
bilang alay, bilang pasasalamat
sa lumikha nitong sansinukuban
habang ramdam ko pa rin yaong bigat

sa dibdib, tila sangkaterbang bato
ang nakadagan, buti't di sumikip
ang dibdib, nakakatayo pa ako
habang si misis ang nasasaisip

magpapatuloy pa rin yaring buhay
sa kabila ng nadaramang lumbay

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

Krimen sa sanggol

karumal-dumal, karima-rimarim
ang ginawa ng ina'y anong lagim
ang kanya bang budhi'y sadyang maitim?
o kanyang pag-iisip ay nagdilim?

ayon sa balita, may diperensya
sa pag-iisip ang nasabing ina
at sa krimen ba'y mananagot siya?
sino nga ba tayo upang manghusga?

subalit ang nawala'y isang buhay
labing-isang buwang bata'y namatay
ang nangyari'y sadyang nakalulumbay
sa krimeng ito ba'y mapapalagay

ano't kay-agang nawala ng sanggol
ang buhay niya'y agad naparool

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* ang ulat ay headline (tampok na ulat) sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 23, 2025

Antok pa si alaga

ANTOK PA SI ALAGA

nang dahil sa pag-ulan, kaysarap
ng kanyang paghimbing, nangangarap
tiyak na ginaw ang nalalasap
ni alagang dito'y nililingap

kaya masarap dapat ang kain
niya mamaya, isda pa man din
ang ulam, dapat lang unawain
si alagang pag-amot ay dinggin

ilang araw na bang bumabaha
ilang araw ding basa ang lupa
ilang araw ding walang nagawa
upang makapanghuli ng daga

anong sarap naman ng umaga
sige lang, matulog ka lang muna

- gregoriovbituinjr.
07.23.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/12FrqbYjUea/ 

Kayrami palang search engine

KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kan...